Barbers

Paglikha ni PBBM ng AI Council kailangan sa responsableng paggamit ng AI–Barbers

Mar Rodriguez Nov 17, 2026
8 Views

TINANGGAP ni House prosecution panel adviser Robert Ace Barbers na ang paglikha ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ng National Artificial Intelligence (AI) Council ay nagpapatunay sa pangangailangan ng nakatalagang institusyon ng pamahalaan na mangangasiwa sa pagpapaunlad, regulasyon at responsableng paggamit ng AI.

Napapanahon ang pagtatatag ng naturang konseho dahil ang AI ay hindi na isang makabagong teknolohiya kundi isa nang mahalagang usaping pambansa na may malaking epekto sa ekonomiya, kaligtasan ng publiko, cybersecurity at pambansang seguridad, ayon kay Barbers.

“Malacañang’s move is a welcome development, and we commend the President for recognizing the urgency of preparing our country for the AI era,” pahayag ni Barbers.

Matagal ng isinusulong ni Barbers ang pagtatatag ng ahensiyang nakatuon sa AI na makikita sa paghahain niya noong Marso 1, 2023 ng House Bill No. 7396 o ang panukalang Artificial Intelligence Development and Regulation Act of the Philippines.

Layunin ng panukalang batas na itatag ang Artificial Intelligence Development Authority (AIDA) na magiging unang panukalang lehislatibo sa Kongreso para sa pagbuo ng isang hiwalay na ahensya ng pamahalaan na tututok sa pagpapaunlad at regulasyon ng artificial intelligence.

Ayon pa kay Barbers, dapat magkatulong at magkumplemento ang iminungkahing AIDA at ang bagong tatag na National AI Council.

Nagbabala rin si Barbers na hindi dapat maging kampante ang Pilipinas sa harap ng patuloy na pagdami ng cyberattacks at hacking incidents sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Kabilang sa mga pangunahing puntirya ng mga cyberattack ang mga institusyong pinansyal, sistema ng transportasyon, mga database ng pamahalaan at iba pang mahahalagang industriya.

Maaaring maparalisa ng ganitong mga pag-atake ang mahahalagang serbisyo, malagay sa panganib ang sensitibong impormasyon, maantala ang kalakalan at magdulot ng malaking abala sa ordinaryong mamamayan.

“Imahinahin nating magising isang umaga at hindi na magamit ang mga serbisyo ng bangko, magulo ang sistema ng transportasyon, mapasok ang mga database ng pamahalaan o hindi na gumana ang mahahalagang pasilidad dahil sa cyber attacks,” babala ni Barbers.

Hinimok niya ang Kongreso at Malacañang na ipagpatuloy ang mga hakbang upang higit pang palakasin ang depensa ng bansa laban sa cyberattacks, protektahan ang mahahalagang digital infrastructure, mamuhunan sa mga Pilipinong mananaliksik at eksperto sa AI, at magsulong ng mga batas na titiyak sa responsable at ligtas na pagpapaunlad ng naturang teknolohiya.

“Technology will not wait for the government to catch up. We must be ahead of the curve, not behind the threats.

The Philippines needs a clear national strategy, strong institutions and the political will to make artificial intelligence work for Filipinos—not become another vulnerability that criminals and hostile actors can exploit,” sabi ni Barbers.