Calendar
Bebot naningil ng P2K na pautang, binayaran ng banta
HIMAS-REHAS ang 19-anyos na mangingisda nang umano’y tutukan ng baril at pagbantaan ang 42-anyos na bebot na nagtangka lang maningil ng pautang Lunes ng gabi sa Navotas City.
Nanginginig sa takot na humingi ng tulong sa mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela si alyas “Merly” nang makatakbong palayo matapos siyang tutukan ng baril ng suspek na nangutang sa kanya ng P2,000 ilang linggo na ang nakararaan nang hindi man lang nagpapahiwatig na magbabayad.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nangyari ang insidente ng pananakot at panunutok ng baril dakong alas-10:20 ng gabi sa Brgy. Tanza 1 matapos matiyempuhan ni alyas Merly ang suspek.
Ayon kay Col. Pinuela, mabilis ang ginawang pagresponde ng kanyang mga tauhan kaya’t naaresto kaagad ang suspek at makumpiska sa kanya ang hindi lisensiyadong kalibre. 38 revolver na kargado ng isang bala na ginamit sa panunutok sa biktima.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong Grave Threat at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Navotas City Prosecutor’s Office.
