Calendar
Malaking gastos sa credit card ng asawa ni VP Sara kinuwestyon ni Acidre
KINUKUWESTIYON ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman at TINGOG Partylist Rep. Jude A. Acidre ang umano’y malaking gastusin sa credit card ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, at ang kawalan umano ng hiwalay na deklarasyon ng deposito sa bangko sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente.
Kailangang ipaliwanag ng depensa kung saan nagmumula ang pinansyal na kakayahan ng mag-asawa upang matustusan ang mga naturang transaksyon, lalo na kung ihahambing ang mga ito sa mga isinumiteng deklarasyon ng ari-arian at pananagutan.
“Bakit walang deklarasyon ng bank deposit doon po sa SALN ng ating Bise Presidente?” tanong ni Acidre.
Lumutang ang usapin matapos maglahad ang mga testigo ng depensa tungkol sa isang bayarin sa restaurant sa Japan na nagkakahalaga ng P205,007.29 at pagbili ng mga sapatos na Nike sa Malaysia na umabot sa P256,882.50. Parehong sinasabing ipinambayad ang credit card ni Carpio sa 2 transaksyon.
Dapat linawin kung paano natutustusan ang ganitong kalaking gastusin at kung bakit walang katumbas na patunay o hiwalay na deklarasyon ng deposito sa bangko sa SALN ng Bise Presidente.
Nauna nang naglahad ang prosekusyon ng mga rekord sa bangko at mga SALN upang ipakita ang umano’y mga pagkakaiba sa mga deklarasyong pinansyal ni Duterte.
Iginiit naman ng depensa na ang mga hawak nilang pera ay pinagsama-sama at isinama sa kategoryang “others” sa halip na isa-isang ilista bilang magkakahiwalay na ari-arian.
Nilinaw sa usapin na ang pagkakaroon ng mataas na credit card balance o credit limit ay hindi awtomatikong nangangahulugang mayroon ding katumbas na halaga ng deposito sa bangko o hindi idineklarang ari-arian.
“Hindi po puwedeng sabihin na simple lang ang pamumuhay nila at wala silang ganitong mga pag-aari,” giit ni Acidre.
Sa panig ng depensa, ipinaliwanag ng mga testigo na ang pagbabayad sa restaurant sa Japan ay may kaugnayan sa isang grupo ng magkakaibigan, habang ang mga biniling sapatos sa Malaysia ay mga regalo para sa mga batang basketball player.
Sinuri ng prosekusyon ang mga paliwanag na ito, partikular ang mga dokumentong maaaring magpatunay sa mga transaksyon at kung naaayon ang mga ito sa tunay na kalagayang pinansyal ng mag-asawa.
Ayon pa kay Acidre, dapat ding isaalang-alang ang antas ng pamumuhay ng mag-asawa batay sa kanilang aktuwal na kakayahang gumastos.
Binigyang-diin din niya ang mga probisyon ng Konstitusyon at Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, na nagtatakda ng mga pamantayan sa pananagutan at wastong pagsisiwalat ng pinansyal na kalagayan ng mga opisyal ng pamahalaan.
Iginiit ni Acidre na nararapat na ipaliwanag at patunayan ng mag-asawa ang mga transaksyong may kinalaman sa kanilang malaking gastusin.
“Kung mayroon po silang mga transaksyon na ganoon kalaki, sila po ang magpapatunay niyan,” aniya.
Binigyang-diin ng House leader na mahalagang suriin at paghambingin ang mga rekord ng paggastos, mga sinumpaang deklarasyon at iba pang dokumentong pinansyal na iniharap sa impeachment court.
