Calendar
Banyagang gumamit ng dokumentong ‘di kanya naharang ng BI sa NAIA
NAHARANG ng mga Bureau of Immigration (BI) agents ang dayuhan na nagpakita ng Indian passport at Canadian visa na nakapangalan sa ibang tao sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Nob. 7.
Dumating ang pasahero mula Malaysia at na-flag matapos makatanggap ang BI ng intelligence information mula sa mga awtoridad ng Canada.
Isinailalim ng Immigration Protection and Border Enforcement Unit (I-PROBES) ng BI ang pasahero sa facial recognition at forensic signature comparison at napatunayang hindi siya ang may-ari ng mga travel document na kanyang dala.
Kinumpirma rin ng BI Anti-Fraud Section na tunay ang pasaporte at Canadian visa, ngunit hindi ito pag-aari ng nasabing pasahero.
Isinangguni ang kaso sa kinauukulang airline para sa agarang pagpapabalik sa kanya sa bansang pinanggalingan.
Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado ang pagiging mapagmatyag ng mga tauhan ng BI.
Ayon kay Viado, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na higit pang palakasin ang seguridad sa mga hangganan ng bansa, mananatiling mahigpit at mapagbantay ang BI laban sa mga dayuhang nagtatangkang gamitin ang Pilipinas bilang transit point sa pamamagitan ng paggamit ng huwad na pagkakakilanlan.

