Calendar
Mananakit sa parak sa mga rally pananagutin – NCRPO chief
BINALAAN ni acting National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Christopher Abrahano ang mga indibidwal na mananakit ng mga pulis sa mga kilos-protesta ay pananagutin alinsunod sa batas.
Kasunod ito ng mga naganap na komosyon noong Nobyembre 15 sa Liwasang Bonifacio sa Maynila kung saan 15 pulis ang nasugatan habang nangangasiwa sa mga demonstrasyon kaugnay sa ika-49 ASEAN Summit.
Ayon kay Abrahano, kinikilala ng NCRPO ang karapatan ng bawat mamamayan sa mapayapang pagtitipon na ginagarantiyahan ng Konstitusyon, pero hindi saklaw ng karapatang ito ang mga gawaing marahas, pananakit sa kapuwa o paghadlang sa mga lehitimong operasyon ng pulisya.
Inatasan niya ang mga kinauukulang police unit na idokumento ang mga insidente, tipunin ang mga nakalap na video footage at iba pang ebidensiya, tukuyin ang mga responsable at magsampa ng kasong kriminal laban sa mga mapatutunayang nakagawa ng mga paglabag.
Tiniyak din ni Abrahano na mananatiling mapagmatyag ang NCRPO sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong panahon ng ASEAN Summit at walang sinumang indibidwal o grupo ang maaaring magpalagay na nakahihigit sila sa batas.
