Sparkle Larawan: Sparkle GMA Artist Center/FB

Sparkle, nagbantang kakasuhan ‘online harassers’ ni Mikee Quintos

127 Views

Nagbabala ang Sparkle GMA Artist Center na magsasampa ito ng kaukulang kasong kriminal laban sa mga indibidwal at fan group na umano’y nagsasagawa ng mapanirang pag-atake at online harassment sa Kapuso artist na si Mikee Quintos kaugnay ng kanyang paglahok sa Pinoy Big Brother (PBB).

Sa opisyal na pahayag, sinabi ng Sparkle na minomonitor at dokumentado na nila ang mga post, komento, at account na sangkot sa umano’y koordinadong pangha-harass at paninirang-puri laban sa aktres.

Binigyang-diin ng talent management agency na iginagalang nito ang malusog na kompetisyon, magkakaibang opinyon, at kalayaan ng mga tagahanga na suportahan ang kanilang mga paboritong artista. Gayunman, hindi nito kukunsintihin ang sadyang paggamit ng social media upang siraan o atakihin ang sinumang talent nito.

Muli ring hinikayat ng Sparkle ang mga tagahanga na pairalin ang kabaitan at suportahan ang kanilang mga idolo nang hindi naninira ng ibang artista, alinsunod sa adbokasiyang “Click Kindness.”