Calendar
ABS-CBN, GMA, ititigil ang livestream ng ‘PBB Collab 3.0’
Ititigil na ng ABS-CBN at GMA ang lahat ng livestream ng Pinoy Big Brother (PBB) Collab 3.0 simula Nobyembre 21, 2026, kasunod ng mga iresponsableng paggamit ng ilang netizen sa mga video mula sa bahay ni Kuya.
Sa pahayag, sinabi ng ABS-CBN na binuksan ang livestream upang mas makilala ng mga manonood ang mga housemate, malaman ang kanilang mga kuwento, at maunawaan ang mga pinagdaraanan nila. Gayunman, may ilang netizen umanong gumagamit nito upang bumuo at magpakalat ng mali, malisyoso at mapanirang kwento tungkol sa mga kalahok.
Binigyang-diin ng network na hindi makatarungan ang pagbabaluktot umano sa mga pahayag ng housemate, pagbibigay ng masamang kahulugan sa kanilang mga sinasabi, at paghuhusga sa kanila batay sa mga kumakalat na video sa social media. Hindi rin umano naipapakita ng maiikling edited clips ang buong konteksto ng mga pangyayari, lalo na kung hindi pa nagkakaroon ng pagkakataon si Kuya na kausapin at gabayan ang mga housemate.
Ayon sa ABS-CBN, ginawa ang desisyon upang pangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga housemate at kanilang pamilya. Hinikayat din nito ang publiko na maging responsable sa paglikha, pag-edit at pagbabahagi ng mga online content.

