Christmas

Binuksan na sa publiko Christmas Wonderland sa Taguig

Edd Reyes Nov 22, 2026
122 Views

BUKAS na sa publiko ang Christmas Wonderland na libreng mapapasyalan ng publiko sa anim na ektaryang TLC Park sa Lakeshore Road/C6 sa Barangay Lower Bicutan sa Taguig City.

Pinangunahan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang pagbubukas ng parke na nagtatampok sa pinakabagong atraksiyon na tinaguriang Sinagtala: Journey Through the Lakeshore Lights dahil sa dami ng maliliwanag at iba’t-ibang ilaw na pinakamarami at pinakamahaba sa buong bansa.

Bukod sa nagkikislapan at magagandang ilaw, masisilayan din ng mga bibisita ang higanteng Christmas tree, Arko ng Sinagtala, Story Book Trail, Garden Swing, Tanglaw Tunnel, Biyaya Tunnel, Pag-asa Tunnel, Pasasalamat Tunnel, Pag-ibig Gazebo, Enchanted Garden, Lighted Lanters at marami pa.

Bukas ang parke mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi tuwing Linggo hanggang Huwebes habang tatagal naman hanggang alas-11:00 ng gabi sa araw ng Biyernes at Sabado.

Libre ang pagpasok sa parke na katatampukan din ng maraming kainan na puwedeng pagpilian ng mga namamasyal habang nagkalat sa parke, hindi lamang mga pulis, kundi maging mga local marhal na magbibigay proteksiyon at seguridad sa mga bibisita.

Ayon kay Tourism head Chi Datu-Bocobo, plano ni Mayor Lani Cayetano na panatilihing bukas ang parke hanggang sa buong taon ng 2027 dahil inaasahan nila na dadagsain ito ng libo-libo katao tuwing gabi, lalu na sa mga araw ng Biyernes at Sabado.