Bea Larawan: Bea Millan Windorski/FB

Bea, ipinamalas ang kulturang Cordillera sa natcos sa Miss Universe

90 Views

Kinatawan ni Bea Millan Windorski ang mayamang kultura at katutubong pamana ng Cordillera sa pamamagitan ng kanyang national costume para sa Miss Universe, na pinamagatang “Diwa ng Cordillera.”

Sa disenyong nilikha ni Anthony Ramirez, pinagsama ang mga elementong hango sa tradisyon ng Kalinga at Mountain Province. Tampok dito ang mga pattern ng tradisyunal na tattoo ng Kalinga, masalimuot na beadwork, makukulay na habi ng Mountain Province, at mga banga na inspirasyon ng Banga Salidsid.

Ayon kay Beatrice Millan Windorski sa kanyang post, sumisimbolo ang mga banga sa tibay, lakas at galing ng kababaihang Kalinga na tradisyunal na naglalakbay sa matatarik na daanan at palayan upang umigib ng tubig para sa kanilang komunidad. Ipinapakita rin ng disenyo ang mahalagang papel ng kababaihan sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Bukod sa pagdiriwang ng kultura, hatid din ng kasuotan ang mensahe tungkol sa pangangalaga sa kalikasan at kahalagahan ng malinis at maaasahang suplay ng tubig, lalo na sa mga liblib na pamayanan. Layunin nitong bigyang-pugay ang sining, pagkakayari at patuloy na pagsasabuhay ng mga tradisyon ng mga mamamayan ng Cordillera.