MWP

Nanghalay ng menor ng paulit ulit nakapiit

Edd Reyes Nov 22, 2026
93 Views

NATIMBOG sa lalawigan ng Cavite ang 39-anyos na tambay na umano’y paulit-ulit na nagmolestiya sa menor-de-edad na biktima sa Taguig City.

Sa tulong ng Naic Municipal Police Station, naaresto ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor si alyas “Ocsic”, na nakatala bilang Most Wanted Person sa Makati City sa kanyang tinutuluyang bahay sa Barangay Mabulo, Naic Cavite alas-11:30 ng gabi noong Biyernes.

Dinakip ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Oktubre 7, 2026 ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 69 dahil sa mga kasong limang bilang ng Rape by Sexual Assault, dalawang bilang ng Acts of Lasciviousness at dalawang bilang ng paglabag sa R.A 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ayon kay SPD Public Information Office (PIO) head P/Lt. Margaret Panaga, may inilaang piyansa ang hukuman na P120,000 kada bilang ng Rape by Sexual Assault, ₱36,000 para sa bawat bilang ng Acts of Lasciviousness, and ₱80,000 kada bilang ng paglabag sa RA 7610 o kabuuang P832,000 para sa pansamantalang paglaya.

Pinapurihan naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director P/BGen. Christopher Abrahano ang Makati police at District Mobile Force Battalion ng SPD sa masigasig na pagtugis sa pugante na dinala na sa custodial facility ng Taguig Police Station.