Calendar
BI inaresto 17 dayuhan na sangkot umano sa ‘parcel scam’
ARESTADO ang 17 dayuhang sangkot umano sa operasyon ng isang parcel scam hub sa Pasay City sa isinagawang operasyon ng Bureau of Immigration (BI) noong Nobyembre 20.
Pinangunahan ng BI Fugitive Search Unit (FSU) ang pag-aresto sa siyam na Hapones, dalawang Taiwanese, apat na Chinese, at dalawang Indian nationals.
Kabilang sa mga nahuli ang mga takas na Hapones na sina alyas Yuto, 30, at alyas Matsumoto, 33, na natukoy sa pamamagitan ng koordinasyon sa National Police Agency ng Japan.
Ayon sa BI, ang modus na tinatawag na “parcel scam” ay isinasagawa ng mga indibidwal na nagpapanggap bilang kawani ng courier service at nagsasabing may parsela umanong nakapangalan sa biktima na naglalaman ng mga ipinagbabawal na bagay.
Kasunod nito, ipinapasa ang tawag sa mga nagpapakilalang pulis na nagbabantang aarestuhin ang biktima o ipapasailalim sa pagyeyelo ang kanilang mga ari-arian.
Pagkatapos, isa pang scammer ang hihikayat sa biktima na maglipat ng pera sa isang sinasabing “safe account” o “verification account” na diumano’y gagamitin para sa beripikasyon ng kanilang pagkakakilanlan o pondo.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony M. Viado na walang tigil na hahabulin ng Bureau ang mga dayuhang kriminal na gumagamit sa Pilipinas bilang lugar ng operasyon upang makapanloko ng mga biktima sa iba’t ibang bansa.
“Hindi natin hahayaang maging pugad o lunsaran ng mga transnational fraud syndicate ang Pilipinas. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon laban sa mga dayuhang lumalabag sa ating mga batas at ginagamit ang bansa para sa kanilang ilegal na gawain,” ani Viado.
Kasalukuyang nakapiit ang mga naarestong dayuhan sa BI Warden Facility sa Taguig City habang isinasagawa ang karagdagang imbestigasyon at kaukulang immigration proceedings laban sa kanila.

