Fake Source:NBI

Pekeng contractor na naningil ng P8.8M sa mag-asawa swak sa selda

Jon-jon Reyes Nov 23, 2026
99 Views

INARESTO dahil sa estafa ng National Bureau of Investigation-Counter Terrorism Division (NBI-CTD) ang umano’y nagpapanggap na contractor ng construction services at naningil ng P8.8 milyon sa mag-asawa sa pagpapagawa ng bahay.

Napapaloob sa construction contract agreement ng suspect at mag-asawa ang housing construction, structural works, gate at fence, plastering at waterproofing works.

Nagbigay ang mag-asawa ng P4,750,000 bilang down payment ngunit nang hilingin ng mag-asawa na simulan na ang paggawa sa kanilang bahay, humingi muli ang contractor ng karagdagang bayad para sa backhoe, labor at excavation.

Nagbanta ito na hindi sisimulan ang konstruksyon kung hindi sila magbabayad kaya’t napilitang magbigay ang mag-asawa ng karagdagang P620,000.

Nag-check ang mag-asawa sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) online portal ngunit hindi lumabas ang pangalan ng kanilang napiling contractor kaya nagdesisyon ang mag-asawa na humingi ng tulong sa NBI.

Noong Nob. 10, nanghingi ulit ang suspek ng P29,000 para sa hollow blocks at delivery fee na ibibigay sa kanya noong sumunod na araw sa isang condominium sa Pasay City.

Noong Nobyembre 11, nagpunta ang mag-asawa sa itinakdang tagpuan at nakipagkita sa suspek at doon na inaresto ng NBI ang suspek.

Ang estafa ay isang krimen kung saan ang isang tao ay gumagamit ng panlilinlang o pag-abuso sa tiwala upang makakuha ng pera, ari-arian, o benepisyo mula sa biktima.

Ang modus na nagpapanggap at paniningil bilang lisensyadong contractor ay estafa na paglabag sa Republic Act No. 10951 at RA 12010 (Anti-Financial Account Scamming Act).