Calendar
Eala, sinalubong ng makulay na homecoming celebration ng Milo
By Gab Ferreras
ISANG makulay at espesyal na homecoming celebration ang inihandog ng Milo para sa world No. 15 Filipina tennis star na si Alex Eala sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas kasunod ng matagumpay na kampanya sa 2026 season.
Nagsilbing isa sa mga unang aktibidad ni Eala sa kanyang pag-uwi sa bansa ang naturang programa na ginanap sa Pasig Elementary School, kung saan kinilala at pinarangalan ang kanyang mga natatanging tagumpay at malaking ambag sa paglago ng tennis sa Pilipinas lalo na sa grassroots level.
Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Education Secretary Sonny Angara, Pasig City Mayor Vico Sotto, Philippine Sports Commission Commissioner Olivia “Bong” Coo, at mga opisyal ng Milo Philippines na sina Carlo Sampan at Veronica Cruz ang naturang pagdiriwang bilang pagpupugay sa isa sa mga natatanging mukha sa Philippine tennis scene.
Dumalo rin sa okasyon ang pole vaulter EJ Obiena at Tokyo Olympics weightlifting gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo na kapwa ring ambassadors ni Eala ng sikat na chocolate malt drink.
Nagbalik-tanaw naman si Eala sa kanyang mga naging exposure sa Milo tournaments noong siya ay bata pa, kung saan niya nakuha ang kanyang kauna-unahang kampeonato.
“Noong bata pa ako, araw-araw ko nagcocompete, siguro mga 6 years old, i already joining Milo tournaments and my first trophy ever was a Milo tournament. Napaka-emosyonal na bumalik dito sa Pasig kasama ang champion family,”sinabi ni Eala.
Binigyang-diin din ng Filipina tennis star na sa kabila ng tinatamasa nitong tagumpay, nananatiling malaki ang kanyang mga pangarap at nagsisilbi itong inspirasyon upang magpatuloy sa kabila ng mga pagsubok o hadlang.
“Ang laki ng pangarap ko, mula noon hanggang ngayon, ang laki pa rin ang pangarap ko, yan ang nagmomotivate sa akin at pag nahihirapan ako at madaming talo, sunod-sunod, ang mga pangarap ko ay nagsilbing inspirasyon sa akin,” wika niya.
Samantala, nagpahayag din ng pagmamalaki at paghanga si Pangulong Marcos sa mga tagumpay ni Eala, na aniya’y hindi lamang nagbibigay-karangalan sa bansa kundi nagpapaalala rin sa mga Pilipino na ipagmalaki ang kanilang pagiging Pinoy sa tuwing nanalo ang mga atleta sa iba’t ibang international competitions.
“We are so so proud, and again as i told you, when you came to visit the Palace, we are not only proud of you, you remind Filipinos to be proud to be Pinoy, just like Hidilyn at EJ, pagkananalo kayo… magagaling din ang Pinoy and you make us to be Filipino “binanggit ng Pangulo.
Nagkaroon rin ng exhibition match sina Eala kasama sina Pangulong Marcos at Secretary Angara habang ni-reveal din sa nasabing programa ang bagong packaging ng Milo tampok ang Pinay tennis ace. (With reports from Hestia Vinzon)
