BDO Ipinagkakaloob ni BDO Unibank at BDO Foundation chairperson Teresita T. Sy ang isang tanda ng pasasalamat kay Department of Trade and Industry Secretary Ma. Cristina A. Roque. Kasama nila sina BDO Foundation trustee at BDO Unibank Branch Banking Group head Maria Corazon A. Mallillin at BDO Foundation president Mario A. Deriquito.

Higit 1K micro-entrepreneur makikinabang sa programa ng pagsasanay ng BDO Foundation, DTI

63 Views
BDO1
Pinangunahan nina BDO Unibank at BDO Foundation chairperson Teresita T. Sy at Department of Trade and Industry Secretary Ma. Cristina A. Roque ang paglulunsad ng programang Talino sa Negosyo – Unlocking Entrepreneurial Potential. Kasama nila sina BDO Foundation trustee at BDO Unibank Branch Banking Group head Maria Corazon A. Mallillin (ikatlo mula sa kaliwa), BDO Foundation president Mario A. Deriquito (ikalawa mula sa kaliwa), BDO Foundation program management head Marissa A. Romero (pinakakaliwa), DTI Assistant Secretary Grace F. Baluyan (ikalawa mula sa kanan), at DTI Director Cynthia C. dela Cruz (pinakakanan).
BDO2
Nagtipon ang mga kalahok mula sa DTI na kumakatawan sa 17 rehiyon para sa dalawang araw na pagsasanay para sa mga tagapagsanay upang talakayin ang mga modyul ng programang Unlocking Entrepreneurial Potential.

MAKATI CITY — Mahigit 1,000 nagnanais at kasalukuyang nagpapatakbo ng maliliit na negosyo ang makikinabang sa mga modyul ng pagsasanay na binuo ng BDO Foundation at ipatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI).

Inilunsad kamakailan ng BDO Foundation at DTI ang programang pinamagatang “Talino sa Negosyo – Unlocking Entrepreneurial Potential” na naglalayong tulungan ang mga Pilipino na gawing matatag at pangmatagalang negosyo ang kanilang mga ideya at oportunidad sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang kaalaman, kasanayan at kumpiyansa sa paggawa ng mas mahusay na mga desisyon sa negosyo.

Binubuo ang programa ng walong praktikal na modyul ng pag-aaral na sumasaklaw sa iba’t ibang yugto ng pagnenegosyo—mula sa pagkilala sa sariling kakayahan at pagtukoy ng mga oportunidad, hanggang sa pag-unawa sa mga customer, pangangasiwa ng pananalapi, pagpapalago ng negosyo at pagpaplano para sa kinabukasan.

Bagama’t pangunahing idinisenyo ang mga modyul para sa mga nagnanais magsimula ng negosyo, maaari rin itong gamitin bilang magkakahiwalay na sesyon ng pag-aaral para sa mga kasalukuyang micro, small and medium enterprises (MSMEs), depende sa kanilang pangangailangan at antas ng pag-unlad ng negosyo.

Sa ilalim ng pakikipagtulungan, ang BDO Foundation ang magbibigay ng mga materyales sa pag-aaral at suporta sa pagsasanay, habang gagamitin naman ng DTI ang malawak nitong network sa buong bansa upang maihatid ang programa sa mga negosyante sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

“Bawat matagumpay na negosyo ay nagsimula sa isang bagay—isang ideya, isang desisyon, unang hakbang at maraming aral sa paglalakbay. At ito ang inaasahan naming maibibigay na inspirasyon at kakayahan ng programang ito sa mas maraming Pilipino—ang gawin ang unang hakbang,” pahayag ni BDO Foundation president Mario A. Deriquito.

Kasunod ng paglulunsad, nagsagawa ang BDO Foundation at DTI ng dalawang araw na pagsasanay para sa mga tagapagsanay na dinaluhan ng mga kawani mula sa tanggapan ng DTI Central Office at 17 regional offices. Ang mga tagapagsanay ng DTI ang magpapalaganap ng mga modyul sa mga maliliit na negosyante sa kani-kanilang rehiyon sa mga susunod na buwan.

Binigyang-diin naman ni DTI Secretary Ma. Cristina A. Roque ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at mga katuwang mula sa pribadong sektor upang masuportahan ang mga negosyong Pilipino.

“Patuloy tayong magtulungan upang makabuo ng mas matatag na Bagong Pilipinas. Kailangan natin ang isa’t isa upang matiyak na maisasakatuparan natin ito,” pahayag ni Roque.

Dinaluhan ang paglulunsad ni BDO Unibank at BDO Foundation chairperson Teresita T. Sy, kasama ang mga matataas na opisyal ng BDO Foundation at Bangko Sentral ng Pilipinas, gayundin ang mga tagapagsanay ng DTI mula sa central at regional offices.

Inaasahan ng BDO Foundation at DTI na matutulungan ng programa ang mas maraming Pilipino na makilala at mapaunlad ang kanilang kakayahan sa pagnenegosyo, makagawa ng matalinong mga desisyon sa negosyo at makapagtayo ng mga kabuhayang pangmatagalan.