Lacson, humihingi ng detalye sa P739M modernisasyon ng COA

53 Views

HUMINGI si Sen. Panfilo Lacson ng detalyadong talaan ng mga gastusin sa P739.09 milyong panukalang modernisasyon ng Commission on Audit (COA) bago siya maghain ng amyenda para pondohan ito.

Kabilang sa nais suportahan ni Lacson ang paggamit ng artificial intelligence (AI) sa pagsusuri ng mga transaksiyon ng gobyerno at pagtukoy sa posibleng pandaraya.

Sinabi ni Lacson na naghahanap siya ng pondong maaaring ilipat mula sa ibang ahensiya.

Tinukoy ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito ang isang liham mula sa pinuno ng COA na naglalaman ng panukalang gastusin sa mga kagamitang pangkompyuter at software para sa susunod na taon.

“As they say, Mr. Chairman, the devil is in the details,” ani Lacson.

Sinabi ni Ejercito na nasa kanya ang hinihinging mga detalye at ibibigay niya ang mga ito kay Lacson.

Ayon kay Ejercito, maaaring umabot sa apat na taon ang buong modernisasyon ng sistema ng COA, kabilang ang pagsasanay sa mga tauhan nito.

Dalawang taon ang unang ibinigay na pagtataya sa kanya ng pinuno ng COA noong confirmation hearing nito.

Nilinaw ni Ejercito na ang P739 milyon ay para sa unang yugto ng programa na maisasagawa sa loob ng dalawang taon. Mangangailangan pa ng karagdagang alokasyon sa mga susunod na taon upang makumpleto ito.

Inusisa rin ni Lacson ang kakayahan ng COA na magamit ang kasalukuyang pondo nito bago humingi ng panibagong alokasyon.

Ayon kay Ejercito, hanggang Oktubre ay may P82.533 milyon pang pondo ang COA na hindi naipapasok sa anumang obligasyong pinansiyal. May humigit-kumulang P82 milyon ding hindi pa nailalabas.

Nauna nang nangako si Lacson na hahanapan ng pondo ang modernisasyon ng COA sa pagdinig ng Commission on Appointments sa pagkakatalaga kay Douglas Michael Mallillin bilang tagapangulo ng ahensiya.

Kinumpirma ng komisyon ang pagkakatalaga kay Mallillin noong Nobyembre 23.

Nasa P14.99 bilyon ang inirekomendang bagong alokasyon para sa COA sa 2027, kabilang ang humigit-kumulang P15.8 milyong dagdag para sa mga programa nito sa pag-audit.