Senado tinanggap badyet ng DHSUD para sa ’27

Jun I Legaspi Nov 27, 2026
56 Views

NAISUMITE na ng Senado ang badyet para sa 2027 ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) matapos iharap sa plenaryo noong Huwebes.

Iniharap ni Sen. JV Ejercito sa plenaryo ang panukalang P6.4 bilyong badyet ng DHSUD para sa 2027 kabilang ang mga attached agencies nito.

Walang senador na nagtanong o nag-interpellate ukol sa panukalang pondo ng departamento.

Naghain ng mosyon si Senate Majority Floor Leader Migz Zubiri upang ideklarang naisumite ang badyet ng DHSUD na kalaunan ay pinagtibay ni Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III.

Bago ihain ang mosyon, kinilala ni Sen. Zubiri ang mahusay na pagganap ng DHSUD at ang tagumpay ng mga proyekto nito.

“Mr. President, if I approve their budget today, [it] would be faster than all the budgets prior to them including the Office of the President. In Bukidnon alone, there are two major projects there,” ani Zubiri.

Tinanggap ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ang mabilis na pag-usad ng panukalang badyet na malinaw na pagpapakita ng tiwala ng Senado sa mga programa ng departamento.

“Magsisilbing inspirasyon ito sa buong DHSUD upang mas paigtingin pa ang pagsusulong ng mga makataong pabahay sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o 4PH Program,” ani Secretary Aliling.

Batay sa pinakahuling datos, nakatakdang makapagtala ang DHSUD ng pinakamataas na bilang ng mga housing units na naitayo at napondohan, gayundin ng mga naipamahaging titulo ng lupa sa ilalim ng Expanded 4PH Program.