Khonghun

Mataas na popularidad sa mga survey ni VP Sara ‘di pwedeng gamitin para maiwasan pananagutan–Garin

Mar Rodriguez Nov 27, 2026
58 Views

GarinIGINIGIIT ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette L. Garin na hindi dapat gamiting panangga ang mataas na popularidad sa mga survey ni Vice President Sara Duterte upang maiwasan ang pananagutan sa mga katanungan tungkol sa kanyang mga ari-arian at transaksyong pinansyal.

Walang survey o mataas na antas ng suporta mula sa publiko ang makapapawi sa obligasyon ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan na magpaliwanag tungkol sa mga alegasyong ibinabato laban sa kanya, ayon sa mambabatas.

“No survey can erase the accountability of any high-ranking official,” giit ni Garin.

Pagbibigay-diin pa ni Garin na ang impeachment proceedings ay nakatuon sa pananagutan ng isang opisyal at sa mga dokumentong iniharap sa mga senador-hukom, hindi sa kanyang popularidad.

Sinang-ayunan ito ni Deputy Speaker Jefferson Khonghun ng Zambales. “Hindi ito popularity contest,” ani Khonghun.

Ayon kay Khonghun, kailangang maging handa ang sinumang opisyal ng pamahalaan na ipaliwanag ang pinagmulan ng kanyang yaman kapag tinatanong ito ng publiko, anuman ang kanyang katayuan sa politika.

“Ang isyu rito, ipaliwanag mo ang iyong yaman, saan galing ang pera at para saan ito,” giit niya.

Kaugnay ito ng mga alegasyong iniharap ng House impeachment prosecution laban kay Duterte at sa kanyang asawang si abogado Manases “Mans” Carpio.

Naiprisenta ng prosekusyon ang tinatayang P817.87 milyong umano’y hindi idineklarang mga ari-arian at hindi maipaliwanag na yaman na may kaugnayan sa mag-asawa mula 2022 hanggang 2025.

Ibinatay ang mga natuklasan sa mga bank record, sinumpaang deklarasyon ng mga ari-arian at mga dokumentong pangkorporasyon.

Pinabulaanan ng depensa ang mga natuklasan ng prosekusyon, kabilang ang ginamit na pagsusuri sa mga transaksyong pinansyal at ang pag-uugnay sa Bise Presidente ng ilang interes sa negosyo.

Ayon kina Garin at Khonghun, mahalagang maipaliwanag ang bawat transaksiyon at mga nakatalang halaga, partikular ang pinagmulan at layunin ng mga pondong sangkot, sa pamamagitan ng mga kaukulang dokumento.

Sinabi rin ni Garin na dapat masagot ang mga katanungan sa paraang magkakatugma ang mga deklarasyon at rekord na pinansyal.