Wanted Larawan: PNP/FB

6 wanted persons, 2 dayuhan, tiklo sa PNP

31 Views

Anim na wanted person, kabilang ang dalawang dayuhan, ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong Nobyembre 26, 2026.

Sa Samar, naaresto ang isang 42-anyos na American national sa Barangay Canlapwas, Catbalogan City, dahil sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Nasa kustodiya na siya ng Catbalogan City Police Station.

Sa Urdaneta City, Pangasinan, dinakip naman ang isang Nigerian national kaugnay ng kasong homicide, serious physical injuries at damage to property matapos umanong hindi sumipot sa itinakdang pagdinig sa korte. Samantala, naaresto rin sa Alaminos City ang Regional No. 8 Most Wanted Person na nahaharap sa dalawang bilang ng paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act.

Sa Davao City, nasakote ang Regional No. 6 Most Wanted Person na nahaharap sa kasong murder. Arestado rin sa Sampaloc, Manila ang isa pang Regional No. 6 Most Wanted Person na nahaharap sa mga kasong rape, rape by sexual assault at acts of lasciviousness.

Samantala, nadakip sa Mexico, Pampanga ang Regional No. 8 Most Wanted Person na nahaharap sa kasong qualified rape. Pinangunahan ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team ng Manila Police District ang operasyon.

Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalagang bahagi ng proseso ng hustisya ang pagpapatupad ng mga warrant of arrest. Tiniyak niyang magpapatuloy ang pakikipagtulungan ng kapulisan sa mga katuwang na ahensya upang maiharap sa korte ang mga indibidwal na pinaghahanap ng batas.