Calendar
Lolo, 60, himas bakal dahil sa kasong r*pe na sandamukal

KAMPO VICENTE LIM, Calamba City, Laguna — Himas-rehas ang isang 60-anyos na lalaki na itinuturing na Rank No. 7 Most Wanted Person sa CALABARZON matapos masakote ng mga awtoridad dahil sa patong-patong na kasong panggagahasa noong Biyernes sa Antipolo City, Rizal.
Kinilala ang akusadong si alyas Jorge, residente ng naturang lugar, ayon sa report kay Police Regional Office 4A Director PBGen. Dominic Baccay.
Naaresto ang akusado sa ikinasang manhunt operation ng mga operatiba ng Antipolo City Police at ng Rizal Provincial Mobile Force Company.
Bitbit ng mga pulis ang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court ng Antipolo City noong Nob. 13 para sa 21 bilang ng rape, statutory rape, rape by sexual assault at statutory acts of lasciviousness.
Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa mga kasong rape at statutory rape, habang P200,000 ang piyansa sa bawat isa sa dalawa pang kaso.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa custodial facility ng Antipolo City police.

