Hagedorn

Cong. Edward Hagedorn optimistiko na maganda ang magiging lagay ng Philippine Tourism sa taong 2023

Mar Rodriguez Dec 22, 2022
208 Views

OPTIMISTIKO ang isang kongresista na maganda ang magiging kapalaran ng Philippine Tourism sa taong 2023 partikular na sa Palawan. Kasabay ng paniniwala nito na posibleng umangat na rin ang ekonomiya ng kanilang lalawigan sa susunod na taon.

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Palawan 3rd Dist. Cong. Edward S. Hagedorn na malaki ang kaniyang paniniwala na magiging maganda at sagana ang pasok ng taong 2023 hindi lamang para sa turismo ng bansa. Bagkos maging sa kanilang lalawigan.

Ipinaliwanag ni Hagedorn na dahil unti-unti ng bumabalik sa normal ang sitwasyon sa Pilipinas. Inaasahan na ganito na rin ang magiging kalagayan sa Palawan at muling maglalagay sa kanilang lalawigan bilang “number one tourist destination sa bansa.”

Binigyang diin ng mambabatas na minsan na naging tanyag ang Palawan dahil sa ipinagmamalaki nitong “Puerto Princesa Underground River” na itinanghal bilang isa sa “Best Wonders of the World” kung kaya’t dumadagsa dito ang napakaraming lokal at dayuhang turista.

“Optimistic ako na magiging magandang-maganda ang tourism natin sa taong 2023. Babalik sa normal ang lahat ng iyan lalo na sa Palawan dahil sa number one ang puwesto natin nuon pagdating sa tourism destination. Lalo na nuong manalo tayo sa Underground River. Talagang sobra-sobra ang dumating na mga turista sa Palawan,” sabi ni Hagedorn.

Gayunman, aminado si Hagedorn na bagama’t paunti-unti ng nakakabangon ang Philippine tourism, subalit mayroon pa rin aniyang mga pagsubok na kinakailangang balikatin at pagdaanan ang bansa bago tuluyang maramdaman ng mamamayan ang kaginhawahan.

“Kaya nga lamang may mga pagsubok na kailangan nating pagdaanan bago tayo ulit guminhawa. Kaya sa tingin ko ay maging matatag lamang tayo at makakabangon din tayo sa krisis na ito,” ayon pa kay Hagedorn.