Kauna-unahang Kadiwa ng Pangulo sa Bicol region binuksan ni PBBM

174 Views

BINUKSAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kauna-unang outlet ng Kadiwa ng Pangulo initiative sa Bicol Region.

Kasabay ng pagbubukas ng Kadiwa outlet sa Pili, Camarines Sur ay sinabi ni Pangulong Marcos na malapit ng maabot ang P20 presyo ng kada kilo ng bigas.

“Makikita ninyo, halimbawa ‘yung bigas, ‘yung aking pangarap na sinabi na noong bago akong upo na sana mapababa natin ang presyo ng bigas ng Php20. Hindi pa tayo umaabot doon, dahan-dahan palapit. Nasa Php25 na tayo. Kaunti na lang, maibababa natin ‘yan,” ani Pangulong Marcos.

“Tapos ‘yung ginawa natin, halimbawa doon sa sibuyas, ganoon din para… Biglang nagtaasan lahat eh kulang sa produksyon. Ginawa namin ay dinagdagan namin para bumaba rin ang presyo,” dagdag pa nito.

Ayon sa Pangulo mula sa mahigit P100 kada kilo ay bumaba na rin ang presyo ng asukal na ngayon ay naglalaro na lamang sa P85 kada kilo.

Mayroon ng mahigit 500 Kadiwa outlet sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Lahat po ‘yan ay binibigyan din natin ng pagkakataon ‘yung mga maliliit na negosyo sa bawat lugar kung saan ‘yung Kadiwa para mayroon silang lugar para ipagbili ang kanilang mga produkto,” ani Pangulong Marcos.

nagpasalamat ang Pangulo sa Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagsuporta sa inisyatiba.