Cherry

Cherry Pie at Nikki, hanga sa tapang ni VP Leni

543 Views

Umani ng papuri ang aktres na si Cherry Pie Picache para sa kanyang katapangan nang patawarin ang pumatay sa ina ilang taon na ang nakakalipas.

Ngunit kahit na itinuturing bilang isa sa magagandang halimbawa ng katapangan at radikal na pagmamahal, sinabi ng aktres na bilib siya kay Vice President Leni Robredo sa kanyang katapangan kahit pa inuulan ng batikos, pambabastos at fake news ng mahigit limang taon na.

“Mayroon nga akong kilala, limang taon siniraan, binastos, winalanghiya, pero araw-araw pinili niya pa rin na gawin ang tama, iyong manindigan, mag-alaga na may pagkalinga at nang buong katapatan,” ani Cherry Pie sa isang video message.

Para sa aktres, kabutihan ang pinakamataas na uri ng katapangan at personal niya itong nasaksihan kay Robredo, na walang pagod na nagtatrabaho para sa taumbayan sa kanyang mga programa at plano.

“Kabutihan ang pinakamataas na uri ng katapangan. At hindi madali iyon ha. Pero biyaya iyon para maisabuhay mo ito,” wika pa niya.

Tinakalay naman ng kapwa aktres na si Nikki Valdez ang “women power” sa kanyang video message.

“Pero kasi hindi totoo iyan. Iba, iba ang lakas ng kababaihan. Hindi ako naniniwala na kahinaan ang pagiging babae. Kasi alam niyo kung ano ang mas matibay sa kamay na bakal, ginintuang puso at busilak na kalooban,” giit ni Valdez.

Bilang patunay sa mabuting pamamahala ni Robredo, natanggap ng Office of the Vice President (OVP) ang pinakamataas na audit rating ng Commission on Audit (COA) sa tatlong sunod na taon pagdating sa paggamit ng pondo ng bayan.

Kahit maliit ang budget ng OVP, nakapaghatid pa rin si Robredo ng kailangang tulong sa ating mga kababayan tuwing may kalamidad at ngayong pandemya, kung saan inilunsad niya ang ilang programa gaya ng Bayanihan E-Konsulta, Vaccine Express, libreng COVID-19 testing, libreng sakay para sa frontliners, at mga programang pangkabuhayan at ayuda sa mga lubhang naapektuhan ng pandemya. Ni Ian F. Farinas