BBM

EO para sa pagbuo ng disaster response, crisis management TF inilabas

224 Views

ISANG Executive Order ang inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang buohin ang Disaster response and crisis management task force upang matiyak na malinaw ang mga hakbang ng gobyerno bilang tugon sa mga kalamidad.

Ayon sa EO No. 24, ang Disaster Response and Crisis Management Task Force ay binubuo ng Office of the Executive Secretary, Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology (DOST), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr) at Office of Civil Defense (OCD).

Ang Pangulo ang pipili kung sino ang magiging chairperson at vice chairperson mula sa mga miyembro ng task force.

Kasama sa mandato ng task force ang koordinasyon para sa paghahanda, pagbabantay at pagsusuri sa mga plano at programa kaugnay ng disaster risk management (DRRM).

Bilang suporta sa mga regional at local disaster risk reduction management councils, ang task force ay babalangkas ng Quick Response Groups na ipadadala bilang bahagi ng paghahanda sa napipintong kalamidad.

Ang kakailanganing pondo ay kukunin sa kasalukuyang pondo ng mga miyembrong ahensya.