Calendar
‘Love the Philippines’ tagos sa puso
IKINAGALAK ng isang veteran congressman at Chairman ng House Committee on Tourism ang inilunsad na bagong slogan ng Department of Tourism (DOT) na nagpo-promote ng Philippine tourism sa international community na ipinalit sa dating slogan nito na “It’s more fun the Philippines”.
Sinabi ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairperson ng Committee on Tourism sa Kamara, na mas malalim aniya ang kahulugan ng bagong slogan ng Tourism Department na “Love the Philippines” kumpara sa dating slogan nito.
Ipinaliwanag ni Madrona na ang bagong branding at slogan ng DOT ay tumatagos sa puso ng bawat Pilipino. Sapagkat inilalarawan nito ang natatangi o unique na katangian ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagiging hospitable at magalang nito sa mga lokal at dayuhang bumibista sa Pilipinas.
Binigyang diin ni Madrona na ang bagong slogan na “Love the Philippines” ay hindi lamang magpapa-angat sa turismo ng bansa. Bagkos, mas lalo pa nitong maipapakilala ang mga Pilipino bilang pinaka-mahusay sa pag-estima o pag-asikaso ng mga bisita maging lokal man o banyaga.
Naniniwala si Madrona na sa pamamagitan ng bagong slogan ng Tourism Department, maraming mamamayan ang magiging “proud” sa pagiging Pilipino dahil ipinapakilala nito ang tunay na karakter (hospitable) ng mga Pilipino na nagpapahikayat sa mga dayuhan na nagpupunta sa Pilipinas.
Ayon sa kongresista, hindi lang naman “fun at adventure” ang dahilan kung bakit dinadayo ng mga banyaga o foreigners ang Pilipinas. Sa halip, nagugustuhan ng mga dayuhan na magpabalik-balik sa Pilipinas dahil sa pagiging maasikaso o hospitable ng mga Pilipino sa kanilang mga bisita.
Sinabi pa ni Madrona na ang bagong slogan ng DOT ay hindi lamang nagpapakilala sa Pilipinas bilang “powerhouse” sa larangan ng turismo. Kundi pagpapakilala din sa bansa bilang may mahabang kasaysayan at mayaman sa kultura na naglalagay sa Pilipinas bilang natatanging bansa.