Valeriano

Valeriano pinuna ang MMDA

143 Views

PINUNA ni Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ukol sa inilabas nitong memorandum.

Naglabas ng Memorandum ang MMDA noong nakalipas na August 1, 2023 patungkol sa pagbabawal sa mga motorcycle riders na sumilong at magpalipas ng ulan sa ilalim ng mga tulay, footbridges, MRT stations at underpass. Ang mga MC riders na lalabag ay papatawan ng P500 na multa.

Iminungkahi ng MMDA na maaari naman sumilong at magpalipas sa ulan ang mga MC riders sa mga private gasoline stations. Ikinakatuwiran ng MMDA na maaaring maging sanhi ng aksidente dahil sa pagkukumpulan ng iba pang mga riders sa ilalim ng tulay at iba pang nasabing lugar.

Pumalag si Valeriano na nagsabing mayroong tinatawag na “abuse of authority” sa panig ng MMDA sapagkat ini-impose umano nito ang kanilang kapangyarihan sa mga private gasoline station sa halip na mag-isip sila ng iba pang solusyon o paraan hinggil sa nasabing problema.

Binigyang diin ni Valeriano na dahil ang mga private gasoline stations ang ginamit na alternatibo ng MMDA para sa mga MC riders. Ang negosyo naman ng mga may-ari ng mga gasolinahan ang siguradong maaapektuhan dahil mas sisikip ang kanilang lugar dahil sa mga costumers nilang nagpapa-karga ng gasolina at mga riders naman na nagpapatila ng malakas na ulan.

“Ang mga gasoline stations ang ginamit ng MMDA na alternative, siyempre itong mga may-ari ng gasolinahan ay papayag sa simula. Pero darating ang panahon na maaapektuhan na rin ang kanilang negosyo dahil mas sisikip ang kanilang lugar,” sabi ni Valeriano.

Samantala, nauna ng binigyang diin ni 1-RIDER Party List Congressman Bonifacio L. Bosita na ang ipinatupad na Memorandum ng MMDA ay hindi isang serbisyo kundi perwisyo sapagkat ang pagbabawal nito sa mga riders na sumilong sa ilalim ng mga nasabing lugar ay naglalagay sa kanila sa panganib.