House of Representatives

2024 proposed national budget pumasa sa Kamara

Mar Rodriguez Sep 28, 2023
187 Views

INAPRUBAHAN na ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang 2024 General Appropriations Bill o GAB.

Sa botong 296-pabor; 3-tutol; at 0-abstain pinagtibay ng Kamara ang House Bill 8980 o ang panukalang P5.768 trillion na pambansang pondo para sa susunod na taon.

Matatandaan na sinertipikahang “urgent” ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang 2024 GAB, kaya naaprubahan sa ikalawa hanggang ikatlong pagbasa sa loob lamang ng isang araw.

Bubuo naman ng isang “small committee” na silang kakalap at magsasapinal ng mga ilalatag na mga amyenda ng mga kongresista.

Ang small committee ay bubuuin nina House Committee on Appropriations chair Zaldy Co, Appropropriations senior vice chair Stella Quimbo, House Majority Leader Mannix Dalipe, at House Minority Leader Marcelino Libanan. Ang deadline ay itinakda sa Sept. 29, 2023.

Bago ang botohan sa 3rd reading, umalma pa si Kabataan PL Rep. Raoul Manuel. Kanyang alegasyon, pinatayan siya ng mikropono.

Sa isang pahayag, pinuri ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang nasa tamang oras na pag-apruba ng panukalang budget na hindi lamang aniya pagtugon sa mandato ng Kamara kundi pagpapakita ng dedikasyong magsilbi nang may “transparency at accountability” sa mga Pilipino.

Ayon sa House Speaker, dumaan sa masinsing diskusyon at paghimay ang pagtalakay sa pondo, partikular sa confidential at intelligence funds o CIF, upang masiguradong tama at naaayon ang gagawing paggugol sa limitadong pondo ng gobyerno.