Calendar
Importansya ng LGU alam ng BBM-Sara tandem
NANGGALING umano sa pagpapatakbo ng lokal na pamahalaan sina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte kaya naiintindihan nila ang problema ng mga ito.
Ayon kay Marcos alam niya at ni Duterte ang importansya ng mga local government unit (LGU) sa pagpapa-unlad ng bansa at pagpapaganda ng buhay ng mga Pilipino.
“Palagay ko naman kami ni Mayor Inday ay basta’t local government ang kausap namin we’re always very happy to come and join with you, dahil talaga naman kaming dalawa ay dumaan sa local government,” sabi ni Marcos.
Si Marcos ay naging gubernador ng Ilocos Norte bago naging kongresista at senador. Bukod sa pagiging mayor, si Duterte ay naging bise alkalde rin.
“Kaya’t nauunawaan namin kung ano ang pinagdadaanan ng ating mga local chief executives kaya we are always conscious of what’s to be done between the national and the local government,” dagdag pa ni Marcos.
Sina Marcos at Mayor Sara ay humarap sa general assembly ng League of Municipalities of the Philippines sa Marriott Hotel sa Pasay City noong Miyerkoles.
“I really would like to assure you all that with the Marcos–Duterte team, you will be putting into office, not just national officials, but both of us who started from the grassroots, which is local government. Kaya’t maasahan niyo kami, na bibigyan namin ng tamang lugar, tamang layunin, at tamang importansya, ang local government,” giit ni Marcos.
Sinabi ni Marcos na ang mga alkalde ang nakakakita sa totoong sitwasyon sa baba kaya dapat ay kasama sila sa pagpaplano ng gobyerno-nasyonal.
“In other words the realities on the ground sa grassroots level kung papaano magdala ng serbisyo ang ating local government official, ang mga governor, ang mga mayor hanggang sa barangay ay talagang kailangan na maging mas tama ang komunikasyon (sa national government) para maging effective,” sabi pa ng presidential candidate.
Dapat din umanong kilalanin ng gobyerno-nasyonal ang kahalagahan ng mga lokal na pamahalaan upang mas maging maganda ang paglilingkod sa bayan.