Kamara

Kamara pinagtibay resolusyon na nananawagan sa NTC na suspendihin operasyon ng SMNI

128 Views

PINAGTIBAY ng Kamara de Representantes ang isang resolusyon na nanawagan sa National Telecommunication Commission (NTC) na suspendihin ang operasyon ng Sonshine Media Network International (SMNI).

Ang inamyendahang House Resolution 1499 ay pinagtibay sa pamamagitan ng voice voting sa sesyon ng plenaryo ng Kamara nitong gabi ng Lunes.

Hinihimok ng HR 1499 ang NTC na suspendihin ang operasyon ng Swara Sug Media Corporation na ang ginagamit na business name ay Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa mga paglabag nito sa termino ng kanilang prangkisa na ibinigay sa pamamagitan ng Republic Act 11422.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist Rep. Margarita Nograles hindi maikakaila ang paglabag ng SMNI sa nakasaad sa batas na nagbibigay dito ng prangkisa gaya ng pagpapakalat ng maling impormasyon, hindi pagsasabi sa Kongreso kaugnay ng pagpapalit ng may-ari nito, at ang hindi pag-aalok ng hindi bababa sa 30 porsyento ng shares of stocks nito sa publiko.

Hiniling din ni Nograles sa Securities and Exchange Commission na kanselahin ang SEC Registration ng SMNI dahil sa pagpalabag sa Revised Corporation Code.