Pastor Apollo Quiboloy

Mga maling ginawa ni Quiboloy, SMNI hukayin—Bayan

170 Views

NANAWAGAN ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa otoridad na ipagpatuloy ang paghuhukay sa mga maling nagawa ng Sonshine Media Network International (SMNI) at televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy upang mapanagot ang mga ito.

“We urge the authorities to look deeper into the wrongdoings of SMNI, including its questionable ownership structure, financial statements, dealings with foreign entities including China’s state media, and possible role in Quiboloy’s criminal activities for which he has been charged in other jurisdictions,” sabi ng Bayan sa isang pahayag.

Ginawa ng Bayan ang pahayag kasabay ng pagpuri nito sa suspensyon na iginawad ng National Telecommunications Commission (NTC) at Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa SMNI.

Sinuspendi ng NTC ang operasyon ng SMNI ng 30 araw habang nireresolba nito ang reklamong inihain laban sa network dahil sa umano’y paglabag nito sa kondisyon ng kapangyarihan na ibinigay sa kanila, sa mga angkop na batas at panuntunan.

Pinatawan naman ng MTCRB ng 14 na araw na suspensyon ang dalawang programa ng SMNI dahil sa pag-ere ng hindi berepikadong ulat na gumastos si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng P1.8 bilyon sa kanyang mga biyahe at ginawang pagbabanta at pagmumura ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ang SMNI ay isang broadcasting company na iniuugnay kay Quiboloy, ang religious leader na wanted sa Estados Unidos dahil sa pagkakasangkot umano sa sex trafficking at iba pang seryosong federal offenses.

Ibinasura ni Quiboloy ang alegasyon at iginiit na isa itong religious at political persecution.

Ang SMNI ay nag-o-operate sa ilalim ng Republic Act (RA) 11422, ang batas na nag-renew sa congressional franchise ng Swara Sug Media Corporation noong Agosto 2019 para makapagpatuloy ito ng operasyon ng 25 taon.

Iniimbestigahan ngayon ng House Committee on Legislative Franchises ang SMNI, ang business name ng Swara Sug dahil sa umano’y paglabag nito sa termino ng kanilang prangkisa dahil sa pagpapakalat ng fake news, red-tagging, at iba pa.

Sa isinagawang pagdinig ng komite, lumabas na nabigo ang SMNI na ipaalam sa Kongreso ang pagbabago sa pagmamay-ari nito o ang paglipat ng controlling interest mula kay Quiboloy patungo sa isang Marlon Acobo.

Nabigo rin umano ang SMNI na sumunod sa Section 11 ng RA 11422 kung saan nakasaad na dapat ialok nito ang hindi bababa sa 30 porsyento ng kanilang outstanding stock sa publiko.

Nakuwestyon din ang napaulat na kolaborasyon ng SMNI at China Global Television Network o CGTN na pagmamay-ari ng Chinese government dahil sa posibleng implikasyon nito sa interes ng bansa sa West Philippine Sea.

Gaya ng kanyang malapit na kaalyado na si dating Pangulong Duterte, si Quiboloy ay nakikitaan ng pakikisimpatya sa China at nagagamit umano ang SMNI upang bigyang katwiran ang ginagawa ng China laban sa Pilipinas sa exclusive economic zone nito.

Si Quiboloy ay inasunto sa Estados Unidos dahil sa pagpilit umano sa mga babae, ang pinakabata ay edad 12 upang maging kanyang personal assistant at makipagtalik sa kanya at pinagbantaan ng walang hanggang kaparusahan.

Sangkot din umano si Quiboloy sa labor trafficking scheme.

Dinadala umano ang mga miyembro ng simbahan nito sa Estados Unidos gamit ang mga kuwestyunableng visa upang manghingi ng donasyon para sa kahina-hinalang charity group.

Ang nalilikom na donasyon ay ginagamit umano sa operasyon ng simbahan at maluhong pamumuhay ng mga lider nito.