Kokoy

Pagiging Sparkle artist, surreal para kay Kokoy

227 Views

SURREAL. Ganyan inilarawan ni Kokoy de Santos ang pakiramdam niya ngayong isa na siyang ganap na artist ng Sparkle (GMA Artist Center) ng Kapuso network.

Malaki nga raw ang pasasalamat niya sa multi-awarded director na sina Jun Lana at Perci Intalan sa pagpayag na mapunta siya sa GMA-7, kung saan meron siyang natatanging pagganap ngayong Sabado sa brand-new episode ng real-life drama anthology na Magpakailanman.

Ngayong gabi, alas-otso, bibigyang-buhay ni Kokoy ang kuwento ng isang bulag na marathon runner sa episode na pinamagatang The Blind Runner: The Mark Joseph ‘Aga’ Casidsid Story.

Gagampanan niya ang papel ni Aga, isang atletang may kundisyon na tinatawag na “retinopathy of prematurity.”

Hindi normal ang pagtubo ng blood vessels sa retina ni Aga kaya nagdulot ito ng pagkabulag niya.

Nakakakita pa sa isang mata si Aga noong siya ay nag-aaral pa. Pero tuluyan din siyang nabulag kalaunan.

Bilang Aga, kinailangang magsuot ni Kokoy ng puting contact lenses sa mga eksena.

Bukod kay Kokoy, nasa cast din sina Snooky Serna at William Lorenzo na gaganap bilang mga magulang niya.

Si Kristoffer Martin naman ang gaganap bilang Darryl, ang supportive na kapatid ni Aga, na makakahanap ng coach (Marx Topacio) na gagabay kay Aga sa mga marathon.