Calendar
Barbers: Trabaho dadami kapag Cha-cha natuloy
OPTIMISTIKO si Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers na mas dadami ang mapapasukang trabaho ng mga Pilipinong “unemployed” sa bansa sakaling matuloy ang pagsusulong sa pag-aamiyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng Charter-Change (Cha-Cha).
Sinabi ni Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang paglalagak ng puhunan ng mga dayuhan sa Pilipinas ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit inaasahan na maraming trabaho ang mapapasukan ng mga Pilipinong unemployed o walang trabaho.
Ipinaliwanag ng kongresista na kumpiyansa siya na mas dadami ang bilang ng mga Pilipinong may makukuha o kaya ay mayroong mapapasukang trabaho sa bansa sa oras na magtagumpay ang isinusulong na Cha-Cha o pag-aamiyenda sa ilang probisyon ng 1987 Philippine Constitution.
Ayon kay Barbers, sa ilalim ng Konstitusyon. Napipigilan ang pagpasok ng mga “foreign capital” sa bansa dahil may probisyon sa Saligang Batas na naglilimita sa mga negosyo patungkol sa kanilang maaaring maging pagma-may-ari. Kung saan, ang nasabing probisyon ay hindi maaaring amiyendahan.
“That’s why Constitutional amendments focused on the economic provisions are urgently needed. More foreign investments will mean more jobs, more economic activities and more income in our people,” sabi ni Barbers.
Binigyang diin pa ni Barbers na ang pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o ang pagbaba ng poverty incidence sa bansa ay resulta ng maayos na polisiya at program ana ipinatutupad ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kabilang na ang kaniyang economic managers.
Idinagdag pa ni Barbers na ang pagbaba ng “poverty incidence” ay nagpapakita lamang kung gaano ka-sinsero ang Pangulong Marcos, Jr. kabilang na ang kaniyang economic team para maibsan ang matinding kahirapan sa bansa dahil sa pagsisikap nilang mailatag ang mga economic policy ng pamahalaan.