Valeriano

Valeriano hindi sang-ayon sa paghihiwalay ng Mindanao sa Pilipinas

Mar Rodriguez Feb 3, 2024
906 Views

HINDI SANG-AYON si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano sa inilatag na plano nina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, dating House Speaker at Davao del Norte 1st Dist. Congressman Pantaleon D. Alvarez patungkol sa paghihiwalay umano ng Mindanao sa Pilipinas.

Bagama’t hindi taga-Mindanao, subalit nararamdaman naman ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang sentimyento ng mga kapwa nito kongresista mula sa Mindanao kaugnay sa panukala nina Duterte at Alvarez na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.

Binigyang diin ni Valeriano na hindi na kailangan pang maging taga-Mindanao o isang Mindanaoan bago maramdaman ng sinomang indibiduwal ang pangangailangan ng national unity o pagkaka-isa ng lahat ng mamamayang Pilipino na hindi makakamit kapag inihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.

Sinabi ni Valeriano na ang naging panukala o proposal nina Duterte at Alvarez ay mananatili bilang isang “opinion” lamang sapagkat wala naman sa kanilang mga kongresista ang nagnanais na sumuporta ditto. Dahil sino ba naman aniya ang magnanais na ibukod ang Mindanao sa Pilipinas.

“Walang matinong Pilipino ang papayag na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas. Kahit naman siguro yung musmos o batang paslit eh’ hindi papaya. Lalo na kaming mga kongresista, hindi naman kami papaya diyan. Kahit na ba hindi ako taga-Mindanao eh’. Pilipino naman ako,” ayon kay Valeriano.

Iginiit ng kongresista na hindi naman ito usapin ng mga taga-Mindanao lamang. Bagkos, ito ay issue ng lahat ng mga Pilipino sapagkat maaapektuhan ang lahat ng mga Pilipino kapag inihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas sa larangan ng ekonomiya, turismo at iba pang aspeto.

Ipinaliwanag pa ni Valeriano na hindi maganda o makakabuti para sa ekonomiya ng bansa ang nasabing panukala sapagkat maaaring mas lalong maka-windang-windang ang Mindanao sa halip na umunlad.