BBM

BBM sa bgy execs: ‘May kakampi kayo sa amin ni Mayor Inday Sara’

224 Views

KINILALA ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang kahalagahan at kabayanihan ng mga barangay officials sa bansa, higit lalo sa nakalipas na pandemya at sa tuwing nalalagay sa anumang sakuna’t trahedya ang mga komunidad sa bansa.

Dahil dito, sinabi ni Marcos na sakaling manalo sa darating na May 9 national elections, tinitiyak niyang ipagkakaloob ang lahat ng pangangailangan ng mga local chief executives upang magampanan nila ng mas maayos ang kanilang mga tungkulin.

“Kahit gaano kaganda at gaano kahusay ang serbisyo na ibinibigay ng national government kung hindi (dahil sa maayos na pamumuno) ng mga barangay officials, hindi mararamdaman ng taumbayan iyan. Dahil kayo (mga opisyales ng barangay) ang nagdadala mula sa Maynila hanggang doon sa inyong mga bara-barangay,” ani Marcos.

Si Marcos na panauhing pandangal sa 3rd membership assembly ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas na ginanap sa SMX Convention sa Siyudad ng Pasay ay nagsabing sa ilalim ng liderato ng UniTeam, parehas na oportunidad at pagtrato ang dapat ibigay sa lahat, higit lalo sa pamunuan ng bawat barangay.

“Kayo ang nakaharap sa tao. Hindi kayo nakakaramdam ng weekend, walang Sabado, walang Linggo, walang holiday, walang bagyo, kung kailangan kayo, lumalabas kayo at tumutulong. Kaya’t iyan ang sa aming palagay ang pinakamahalagang bahagi ng ating pamahalaan. ‘Yung trabaho ng barangay official ay dapat kilalanin,” wika pa niya.

Sinabi ni Marcos na nauunawaan nila ng running-mate na si Inday Sara Duterte ang problema ng lokal na pamahalaan, gayundin ay binibigyang-pugay nila ang kadakilaan at paghihirap ng lahat ng opisyal sa lokal na pamahalaan hanggang sa mga kasuluk-sulukang barangay sa mga kalunsuran at kanayunan.

“Kung mabigyan po kami ng pagkakataon na makaupo, eto pong paglalapit, pagpantay ng national government at local government, ang pagkilala sa ating mga barangay officials, sa halaga ng inyong trabaho na para sa ating pamahalaan at sa taumbayan ay lagi naming aalalahanin at nauunawaan namin sa aming karanasan bilang local government officials,” sabi pa nito.

“Ang inyong pinagdadaanan, asahan po ninyo, may kakampi kayo sa aming dalawa ni Inday Sara,” deklarasyon pa ni Marcos.

Binigyang-diin ni Marcos na napakahalagang pakinggan at pag-aralan ang anumang hinaing, suhestiyon at rekomendasyon ng lahat ng barangay at local officials upang matugunan ito ng tamang solusyon.

Idinagdag ni Marcos na magiging benepisaryo ang lahat ng barangay sa pagpapatupad ng Mandanas Ruling at dapat tiyakin na hindi makikialam ang national government kung ano man ang magandang programa at proyekto ang tingin nilang dapat gawin base sa dagdag na pondong makukuha mula sa kanilang Internal Revenue Allotment (IRA).

Inihayag ni Marcos ang plano nitong pag-extend sa termino ng barangay officials dahil mahirap para sa kanila na matapos ang mga inilalatag na proyekto kung tatlong taon lamang silang manunungkulan.

“Kung titingnan ninyo, simula nang mag-extend tayo ng barangay election, more or less on average five years na rin ang bagsak ng termino ng mga barangay officials. So, imbes na nag-i-extend tayo ng nag-i-extend hindi malaman ang kalagayan ninyo, palitan na natin ‘yung rule gawin na nating five years ang term ng mga barangay officials,” sabi pa ni Marcos.

Dapat ay ibigay din ang lahat ng benepisyo sa lahat ng barangay officials, tulad ng scholarship at health insurance, alinsunod sa itinatadhana ng Local Government Code na ipinagpaliban dala ng kakapusan ng pondo.

“’Yan ay isa pa naming iniisip at matagal nang pinag-uusapan ng UniTeam, ng aming mga senador kasama si Inday Sara,” pahayag pa nito.

Marapat din aniya na bigyan ng honorarium ang mga volunteers na sinserong nagtatrabaho sa komunidad para lamang ibigay ang karampatang serbisyo publiko.

“Iniisip namin dapat i-formalize na at ilagay sa batas ng Local Government Code, ipasok natin na ang ating mga volunteers, sa trabaho nila, dapat ay bigyan na ng honorarium dahil alam natin kung gaano kahalaga ang kanilang ginagawa,” saad pa ni Marcos.

Kasabay nito, malugod ding pinasalamatan ni Marcos ang 2,700 barangay delegates sa mainit na pagtanggap sa naturang okasyon.

Umabot sa 120 Liga ng barangay presidents mula Aparri hanggang Jolo, na pinamunuan ni national president Eden Chua Pineda, ang nagpahayag ng suporta para sa kandidatura ng BBM-Sara UniTeam.

Bukod kay Marcos, dumalo rin sa makasaysayang okasyon si Inday Sara, gayundin ang iba pang UniTeam senatorial bets na sina Gibo Teodoro at Sherwin Gatchalian.