Calendar
House Committee on Metro Manila Dev’t sang-ayon isabay plebisito, 2025 mid-term elections
KUNG makakatipid naman ang pamahalaan. Sinasang-ayunan ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na isabay na lamang ang plebesito para sa Charter Change (Cha-Cha) sa darating na 2025 mid-term elections.
Ipinaliwanag ni Valeriano na dapat lamang na mas piliin ng gobyerno kung saan maaaring makatipid sa pagdaraos ng plebesito para sa economic Charger Change (Cha-Cha) o ang pagsusulong na ma-amiyendahan ang ilang restrictive economic provision ng 1987 Philippine Constitution.
Dahil dito, naniniwala si Valeriano na tama lamang ang naging posisyon ni President Bongbong R. Marcos, Jr. dahil gaya ng ipinahayag ng Pangulo. Mahirap aniyang mauna ang pagdaraos ng plebesito sapagkat posibleng mabulilyaso naman ang paghahanda para sa 2025 elections.
Binigyang diin ni Valeriano na sa halip na makatipid, malaki ang posibilidad na mas maharap ang pamahalaan sa napakalaking gastos dahil kinakailangan pang magsagawa ng magkahiwalay na halalan gayong maaari naman gawing isahan na lamang ang plebesito at ang mid-term elections.
“We hope to thresh out all issues salient both in the method and substance of the proposed constitutional amendments. Basta malinaw at malinis ang pakay sa pag-amiyenda pabor tayo sa iba pang hakbang gaya ng plebesito lalo na kung makakatipid,” ayon kay Valeriano.
Sinabi pa ng Metro Manila solon na wala siyang pagtutol kung isinusulong man ng Kamara de Representantes ang pag-aamiyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng tinatalakay na Resolution of Both House (RBH) No. 7 sapagkat napapanahon na aniya para i-update ang economic provision ng Saligang Batas.
“Basta’t ang pagkilos ng Kamara ay tapat at sinsero tayo ay sumusuporta. Sa palagay ko’y panahon na para amiyendahan ang economic provision ng ating Saligang Batas dahil napa-iiwanan na tayo,” sabi pa ni Valeriano.