Paglalagay ng major structure sa WPS, iginiit

Mar Rodriguez Mar 5, 2024
101 Views

Ni House Deputy Majority Leader at Isabela Cong. Inno Dy 

NANININDIGAN si House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na kinakailangan ng mag-develop ng “major structure” sa Kalayaan Island Group at Pag-asa Island kasunod ng mapangahas na panghihimasok ng mga Intsik sa West Philippine Sea (WPS).

Binigyang diin ni Dy, Vice-Charman ng House Committee on Tourism, na panahon na para maglagay ng isang “major structure” sa mga nasabing lugar para igiit ang karapatan ng Pilipinas sa WPS at maipakita rin sa China na ang mga Pilipino ang totoong may-ari ng pinagtatalunang teritoryo.

Suportado ng Isabela solon ang pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na maglagay ng permanenteng estraktura sa mga Islang okupado ng Pilipinas para mas Madali ang pagpa-patrolya sa mga teritoryong sakop ng WPS at Exclusive Economic Zone (EEZ).

Iginigiit diin ni Dy na hindi na kailangan pang makipag-tagisan o makipag-girian ng pamahalaang Pilipinas para lamang ipilit o kaya ay igiit sa China ang karapatan nito sa pinagtatalunang WPS. Subalit maaari naman aniyang gumawa ng inisyatiba ang Pilipinas sa pamamagitan ng mga itatayong estraktura.

Sinabi ni Dy na ang paglalagay ng mga major structure sa WPS ay pagpapakita rin sa China na mayroong paninindigan ang Pilipinas at hindi basta-basta magpapa-bully sa kanila sa kabila ng iba’t-ibang uri ng panggigipit na ginagawa ng naturang bansa laban sa mga sundalong Pilipino na naka-himpil sa WPS.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na sinusuportahan din nito ang paninindigan at posisyon ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na huwag isusuko kahit na katiting na teritoryo ng Pilipinas sa China.

Ayon kay Dy, ang paninindigan ni President Marcos, Jr. ang nagbibigay sa kanila ng lakas ng loob para ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa WPS at huwag isuko ang sobereniya ng bansa sa China. Kaya dapat magkaroon na ng major structure para maiwasan ang mga pangbu-bully ng China sa Pilipinas.