Calendar
Mas maraming koreano maeengganyong mag-aral sa PH
Sa panukalang liberalisasyon sa sektor ng edukasyon—Korean business group
SUPORTADO ng Korean Chamber of Commerce-Philippines (KCCP) ang panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon ng Pilipinas para mas maging liberal at buksan sa dayuhang pamumuhunan ang sektor ng edukasyon, partikular ang higher learning institutions.
Sinabi ni KCCP president Hyun Chong Un sa ika-limang pagdinig ng Committee of the Whole House of Representatives sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 na bukas ang kanilang grupo sa planong liberalisasyon ng edukasyon sa Pilipinas.
Aniya maraming Koreano at iba pang foreign student ang maeengganyo na mag-aral sa bansa kung magkakaroon na ng mga foreign school sa Pilipinas.
“It will make Philippine education more competitive. It will benefit the Philippines,” sabi ni Hyun.
Sa kasalukuyan aniya ay mayroong 50,000 na Koreano ang nag-aaral sa mga lokal na paaralan.
At marami sa kanyang mga kababayan ay interesado na matuto ng wikang Ingles.
Maliban dito, kaisa rin aniya ang KCCP sa posisyon ng Joint Foreign Chambers of Commerce na suportahan ang economic constitutional amendments.
Umapela naman sa mga mambabatas si Ateneo law professor Anthony Abad, isa sa mga resource person, na repasuhin ang Konstitusyon para sa mga amyenda para gawing globally competitive ang bansa.
“My wish is within our lifetime, we will finally see our Constitution being modernized,” aniya.
Giit ni Abad, na may kaugnayan din sa foreign trade organizations, na ang ating batayang batas ay may kapangyarihang makahikayat ng mga dayuhang mamumuhunan
“Opening the economy will lead to capital accumulation, which in turn will mean poverty reduction,” sabi niya
Nangyari na aniya ito sa mga bansa gaya ng Singapore at Malaysia kung saan bilyun-bilyong dolyar ang pumasok dahil sa pagbubukas sa foreign investments.
Suportado rin nito ang pagbibigay kapangyarihan sa Kongreso na baguhin ang alituntunin sa foreign capital at foreign restriction kaysa nakasaad ito sa Konstitusyon.
Punto pa ni Abad na kailangang makasabay ang ating ekonomiya sa mabilis na pagbabago ng mundo lalo na sa larangan ng teknolohiya at inobasyon tulad ng artificial intelligence
“AI is now being applied on many business processes. It accelerates the conduct of trade business and trade,” dagdag niya.
Katunayan inaasahan na aniya niya na maraming bansa ang magbabago ng kanilang legal framework para masakop ang paggamit sa AI.
Ayon naman kay Robin Michael Garcia, na isang guro at social scientist na nagsasagawa ng mga lecture sa ibayong-dagat, kailangan nang gawing moderno ang sistema ng edukasyon sa bansa.
Patunay dito ang pwesto ng mga unibersidad sa Pilipinas na nasa pinakababa ng 500 globally-ranked universities.
“Their counterparts in some ASEAN countries are in the top 10, top 50,” aniya
Sabi pa ni Garcia na maraming mahuhusay na Pilipino ang nag-aaral sa ibayong dagat para makakuha ng de kalibreng edukasyon.
Giit pa nito na ang isang masaganang bansa at episyente at epektibong pamahalaan ay nakabatay sa kalidad ng edukasyon na mayroon sa bansang ito.
Tinukoy pa niya ang Estados Unidos at Germany na mayroong matatag na education system.