Martin5

Speaker Romualdez: Pulong nina PBBM-Manet makakatulong matiyak suplay ng bigas sa PH

Mar Rodriguez Mar 5, 2024
92 Views

IGINIIT ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan ng naging bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., at Cambodian Prime Minister Hun Manet sa pagtiyak na magiging sapat ang suplay ng bigas sa bansa sa kabila ng banta ng El Niño phenomenon.

Si Romualdez ay kabilang sa mga opisyal ng gobyerno na kasama ni Pangulong Marcos sa pakikipagpulong sa Cambodian Prime Minister, sa sidelines ng 50th ASEAN-Australia Special Summit sa Melbourne.

Ayon sa pinuno ng Kamara, kabilang din sa pinag-usapan ng dalawang pinuno ang ilang mahahalagang usapin na layuning mapalakas ang kalakalan at pamumuhunan, pagpapatag ng ugnayan sa ekonomiya, partikular na sa kalakalan ng bigas at turismo.

“By diversifying our sources of rice importation and strengthening partnerships with fellow ASEAN member states like Cambodia, we can mitigate the adverse effects of external factors such as climate change-induced phenomena like El Niño,” ayon kay Romualdez.

“While we are making significant strides towards achieving rice self-sufficiency, prudence dictates that we should provide contingency measures to ensure people would have adequate rice supply at the best possible price if our local production falls short of expectation,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinabi ni Romualdez na bagama’t tinitiyak ng Department of Agriculture ang sapat na suplay ng bigas sa unang bahagi ng taon, maaari pa ring manatili ang mataas na presyo nito hanggang sa Setyembre dahil na rin sa epekto ng El Niño sa pandaigdigang suplay ng bigas at pagtaas ng pangangailangan dito.

Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hanggang February 29, tumaas ng higit sa P941 milyon ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura dulot ng El Niño.

Kabilang sa mga lugar na labis na napinsala dulot ng matinding tagtuyot ang Western Visayas, MIMAROPA, Ilocos, CALABARZON, at Zamboanga.

“Cambodia has long been recognized for its expertise in rice cultivation and production, and its willingness to support the Philippines in addressing its rice supply concerns is deeply appreciated,” paliwanag pa ni Romualdez.

“Moving forward, we fully support President Marcos, Jr’s initiative to work closely with Cambodia and other ASEAN allies to ensure a stable and resilient food supply chain,” ayon pa sa mambabatas.

Kasama rin ng Pangulong Marcos si Romualdez sa bilateral meeting kay PM Hun Manet noong ginanap ang 43rd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Indonesia noong Setyembre 2023.

Sa nasabing pulong sa Indonesia, binanggit ni Pangulong Marcos ang posibleng pag-aangkat ng bigas sa Cambodia at ang pagpapalakas ng commercial aviation sa pagitan ng dalawang bansa.

Nais ng mga opisyal ng Cambodia ang magkaroon ng one percent share sa merkado ng imported rice sa Pilipinas sa taong 2024 at hinihikayat ang mga stakeholder na panatilihin at mapalago ang pag-export ng bigas sa Pilipinas.

Si Romualdez ay masigasig na sumusuporta sa administrasyon ni Pangulong Marcos sa pagsisikap na magbigay ng sapat at abot-kayang bigas sa mga Pilipino.

Agosto ng nakalipas na taon, nakuha naman ni Speaker Romualdez ang Vietnam bilang matatag na mapagkukunan ng bigas ng Pilipinas sa abot-kayang presyo na isang pagpapatibay ng mabuting pagkakaibigan ng dalawang bansa.

Ang pulong sa pagitan ni Romualdez at Vuong Dinh Hue, Pangulo ng National Assembly of Vietnam ay naganap sa pagsisimula ng 44th AIPA (ASEAN Parliamentary Assembly) general assembly sa Jakarta, Indonesia.

Ito ang naging tugon ni Romualdez sa hamon ni Pangulong Marcos, sa pamamagitan ng inilunsad na Cash and Rice Distribution program (CARD) sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development, upang magbigay ng mura ngunit dekalidad na bigas sa mga magihirap, kasama na ang financial assistance na ipinamahagi sa iba’t ibang distrito sa buong bansa.

Pinangunahan din ni Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban sa mga hinihinalang smugglers at hoarders na nagiging dahilan ng kakulangan ng suplay ng mga produkto at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pagkain sa pamilihan.