Valeriano

Valeriano ikinababahala lumalalang kaso ng “sugar dating”

Mar Rodriguez Mar 10, 2024
86 Views

HINDI dapat ipagsawalang kibo ng pamahalaan ang unti-unting lumalalang kaso ng mga kababaihan na nasasangkot sa “sugar dating” o yung babaeng pumapatol sa mga kalalakihang mas may edad sa kanila na tinaguriang “sugar daddy”.

Ito ang binigyang diin ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano matapos nitong ipahayag ang kaniyang pagkabahala sa kaso ng “sugar dating” o ang pakikipag-ugnayan ng mga batang babae sa mga matatandang lalake para tustusan ang kanilang mga pangangailangan.

Sinabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na mistulang “kapit sa patalim” ang mga kababaihan dahil napipilitan silang pumatol sa mga matatandang lalake kahit batid nila ang matinding epekto na maaari nitong idulot sa kanilang pagkatao at reputasyon.

Ayon kay Valeriano, hindi dapat ipagkibit balikat ng gobyerno ang insidente. Sa halip ay kailangang kumilos ang isang partikular na ahensiya para matugunan o ma-address ang problema sa pamamagitan ng pagkakaroon ng counselling o kaya ay pagbalangkas ng mga alituntunin para dito.

Aminado ang Metro Manila solon na sobrang hirap ng buhay sa bansa bunsod ng tumitinding kahirapan kabilang na dito ang kawalan ng trabaho at tumataas na presyo ng mga bilihin. Kaya maaring napipilitan ang ilang kababaihan na kumapit sa “sugar dating” para lamang magkaroon ng sustento.

Ikinabahala din ni Valeriano na hindi lamang ang mga babaeng walang trabaho ang pumapasok o kaya ay kumakapit sa “sugar dating”. Bagkos, maging ang mga estudyante ay nasasangkot na rin sa ganitong gawain para lamang makakuha ng panggastos sa kanilang pag-aaral.

“Nakakagulat ang panubagong muha ng ganitong gawain. Kailangan itong tutukan ng isang partikular na ahensiya ng ating pamahalaan para ma-address ang problemang ito. Kailangan itong i-monitor para matulungan ang mga kababaihan na nasasangkot sa sugar dating,” sabi ni Valeriano.