Calendar
Garin: Libreng mammogram magandang regalo ng PhilHealth sa mga kababaihan
MAITUTURING umanong isang magandang regalo para sa mga kababaihan ngayong ipinagdiriwang ang Women’s Month ang pagbibigay ng libreng mammogram at breast ultrasound sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sa isang pulong balitaan, pinuri ni Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo sa kanilang pagpupunyagi na mapaganda ang benepisyong naibibigay ng PhilHealth sa mga miyembro nito.
“Nagpapasalamat kami kasi maski lalaki iyong ating Speaker, ngayon parang ramdam niya iyon pangangailangan ng mga babae lalong lalo na ngayon Women’s Month eh talaga naman natutukan,” sabi ni Garin na dating nagsilbi bilang kalihim ng Department of Health.
“Ito ay napakagandang regalo sa ating mga babae. Hindi kailangang may maramdaman ka para ikaw ay magpamammogram or magpa-breast ultrasound. Kapag ikaw ay naging 50 years old na, iyon iyong golden age, every two years kailangan mong magpamammogram,” dagdag pa niya.
Sabi naman ni Tulfo, na kasama sa pulong balitaan, na ang libreng mammogram at breast ultrasound program ng PhilHealth ay maaaring nang masimulan sa Abril o mas maaga sa naunang pagtaya na buwan pa ng Hulyo.
“I’d like to announce before you today, iyong sinasabi na free mammogram and ultrasound para po sa lahat ng mga kababaihan na miyembro ng PhilHealth and their beneficiaries, ang una pong usapan, agreement with the Speaker and the PhilHealth officials ay July,” pahayag ni Tulfo.
“Pero kahapon po, inaprubahan po ng Board nila, lumalabas po na this April po libre na po ang mammogram at saka ultrasound for the breast para sa mga kababaihan po na miyembro ng PhilHealth at iyong kanilang beneficiary. Kung may mga anak po sila na babae ay puwede na po silang magpatingin,” dagdag niya.
Una nang inanunsyo nina Speaker Romualdez at Tulfo ang kanilang pakikipagpulong sa mga opisyal ng PhilHealth sa pangunguna ni president at CEO Emmanuel Ledesma.
Sa naturang pulong ay tiniyak ng PhilHealth na maibibigay ang libreng taunang mammogram at breast ultrasound sa mga kababaihan sa Hulyo.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang programang ito ay kasama sa personal na adbokasiya ng kanyang misis na si Tingog Partylist Rep. Yedda Marie K. Romualdez.
Pinuri rin ni AnaKalusugan Partylist Rep. Ray Reyes ang inisyatiba ni Speaker Romualdez na maging libre ang mammogram at breast ultrasound para sa mga kababaihan.
“Iyong response ng PhilHealth ngayon is really dahil initiative nga po ito ng Speaker natin, na nakikita nila ang tagal na bago nagkakaroon ng update sa case rates natin, ang tagal bago mataas iyong benepisyo, parang hindi na siya nagiging responsive doon sa dapat na matupad ng Universal Healthcare,” wika ni Reyes
“So, itong Konsulta program po na ito, katulad po ng nasabi ni Cong. Erwin, ni Cong. Janette, ay available na po ito sa karamihan ng mga ospital natin at sa mga ibang clinic. Magparehistro lang po tayo sa pinakamalapit na PhilHealth office po natin,” sabi pa niya.