PBBM

PBBM pinuri sa ‘bloodless’ campaign vs krimen

Mar Rodriguez Mar 19, 2024
114 Views

UMANI ng papuri si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. mula sa mga mambabatas sa ipinamalas ng kanyang administrasyon na dedikasyon na mabawasan ng kriminalidad at mapanatili ang kaayusan sa bansa ng hindi dumadanak ang dugo.

Kinilala ni House Deputy Majority Leader at PBA Party-list Rep. Margarita Ignacia “Atty. Migs” Nograles ang administrasyong Marcos sa pagpapatupad nito ng batas nang hindi gumagamit ng extrajudicial methods o pamamaraan na labag sa batas.

“As a lawyer, siyempre kahit hindi ka man abogado, dapat naman you don’t take the laws into your own hands. You do not violate the laws. So nakakatuwa and congratulations to this administration for doing that. Kaya naman pala,” sabi ni Nograles sa isang pulong-balitaan.

Ganito rin ang ipinahayag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin.

“We congratulate the administration of PBBM for the bloodless campaign on implementing laws,” wika ni Garin.

Nauna rito, ibinahagi ni Pangulong Marcos ang pagbaba ng bilang ng krimen sa unang taon ng kanyang administrasyon kumpara sa kaparehong panahon noong administrasyon Duterte.

Tinukoy ng Punong ehekutibo na nakamit ito ng hindi gumagamit ng legal shortcuts o hindi pagtalima sa rule of law.

Matatandaan na naging kontrobersyal ang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil sa umano’y mga naganap na extrajudicial killings sa pagpapatupad ng kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.

Sabi ni Garin na bagamat maganda ang intensyon ng dating Pangulo ay nakasama sa imahe ng Pilipinas ang larawan ng mga menor de edad na walang habas na pinaslang.

Dahil anya sa madugong laban kontra iligal na droga at kriminalidad ay marami ang nakatakas mula sa pananagutan ng batas at muntik pang mapahamak ang turismo ng bansa.

“Kasi minsan kung puro tayo patayan, tinatanggalan mo ng karapatan na magkaroon ng boses ang maliliit na tao,” punto ni Garin.

Tinukoy naman ni Lanao del Norte 2nd District Rep. Mohamad Khalid Dimaporo na nakatulong ang pagiging dating gobernador ng Ilocos Norte ng Pangulong Marcos sa pagpapababa ng krimen.

“When it comes to crime, as a President, you need to have a strong bond with your mayors and governors, and I think that’s one of the advantages or assets that President BBM has in this administration,” ani Dimaporo.

“He has a very clean and very good relationship with our local chief executives and any problems at the LGU level, he tries his best to resolve,” dagdag pa ng chairman ng House Committee on Muslim Affairs.

Tinuran din ni Dimaporo ang pagkilala ng Pangulo sa international standards ng pagpapatupad sa batas at pagkilala sa karapatan ng mga Pilipino na isang magandang ehemplo sa global community.

“I think that’s a general tone that he has, and it cascades down to the police, and with the good relationship with the mayors and the governors, he was able to achieve this very nice achievement which is to improve the statistics when it comes to crime,” punto niya.

Binigyang halaga naman ni Negros Occidental 3rd District Rep. Francisco “Kiko” Benitez ang pagbalanse ng Pangulo sa pagpapalakas ng institusyong pang demokrasya habang iginagalang ang karapatang pantao at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

“We should be very clear that the balancing act the President mentioned actually helps strengthen our institutions, our democratic institutions as well, na pwede namang palakasin ang ating demokrasya, institusyong pang-demokrasya kasabay ng karapatang-pantao, as well as peace and order at the same time,” sabi ni Benitez, na chairman ng House Committee on Housing and Urban Development.

Batay sa datos, nakapagtala ng malaking pagbaba sa napaulat na mga krimen unang taon ng administrasyong Marcos noong 2023 na nasa 198,617 na malayo sa 295,382 krimen noong 2017, ang unang buong taon ng administrasyong Duterte.

Bumagsak din ang index crimes kung saan 107,899 ang naitala noong 2017 samantalang 38,436 lamang noong 2023.

Kabilang sa index crime na tinukoy na Philippine Statistics Authority ang murder, homicide, physical injury, car theft, robbery, theft, at rape. Ginagamit ang mga krimen na ito para sukatin ang lebel ng krimen sa isang lugar.

Nangalahati rin ang insidente ng paglabag sa karapatang pantao noong 2023 kumpara noong 2022 na isa umanong indikasyon ng pagsusulong at pagkilala ng kasalukuyang administrasyon sa karapatang pantao.