Valeriano

Pagpapatawad sa mga nagkasala at paghahasik ng pag-ibig sa bawat isa, mensahe ni Valeriano ngayong Semana Santa

Mar Rodriguez Mar 25, 2024
122 Views

NGAYONG panahon ng Semana Santa. Hinihiling ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano sa mga mananampalatayang Pilipino ang pagpapatawad sa mga taong nakagawa sa kanila ng kasalanan at paghahasik ng pag-ibig sa bawat isa gaya ng ginawa ng Panginoong HesuKristo.

Ito ang ibinigay na mensahe ni Valeriano patungkol sa pagdiriwang ngayong linggo ng Holy Week matapos nitong ipahayag na ang pagpapatwad at paghahasik ng pag-ibig sa bawat isa ang tunay na kahulugan ng Kuwaresma sa pamamagitan ng pagsasa-buhay sa mga aral ng Panginoong Hesus.

Ayon kay Valeriano, ito ang tamang panahon para pagnilayan ng sinomang mananampalataya ang mga naging kaganapan o pangyayari sa kaniyang buhay. Sapagkat maaaring maraming dahilan kung bakit napasubasob sa mabigat na pagsubok ang kaniyang buhay.

Sinabi ng kongresista na ang mahalaga ay napag-isip isip o kaya ay napagbulay-bulayan ng isang tao ang mga naging pagkakamali niya sa kaniyang buhay. Kasunod ang pagbabagong buhay o pagbabalik loob sa Diyos.

“Maraming dahilan para mapasubasob ang ating buhay sa mga pagsubok. Tayo ay nilamon ng kahinaan, ang magalaga ay muli tayong babangon at magpapatuloy tayo sa ating buhay sa kabila ng mga dumating na pagsubok. Ang importante dito ay ang napagnilayan natin ang ating mga pagkakamali,” sabi ni Valeriano.

Idinagdag pa ni Valeriano na ito rin ang naa-angkop na panahon para suriin nilang mabuti ang kanilang mga sarili bilang mga kongresista kung napaglingkuran ba nila ng tapat at wagas ang kanilang mga constituents at kapwa Pilipino sa pamamagitan ng de-kalidad na paglilingkod.

“Ngayong Semana Santa, napapanahon din ito para magnilay kaming mga congressman para suriin naming ang aming mga sarili. Kung kami ba’y nakapagbigay ng de-kalidad na serbisyo sa aming mga kababayan,” dagdag pa ni Valeriano.