Frasco

Frasco, iminumungkahi sa BFP at DILG ang pagbili ng mga bagong firefighting helicopters

Mar Rodriguez Apr 25, 2024
104 Views

IKINABABAHALA ni House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Cong. Vincent Franco “Duke” D. Frasco ang mabilis na paglaganap ng sunod-sunod na insidente ng sunog sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. Kaya hinihiling ng kongresista sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagbili nila ng mga bagong “firefighting helicopters”.

Ang inilatag na panukala ni Frasco para sa BFP at DILG ay nakapaloob sa House Resolution No. 1686 na inihain nito sa Kamara de Representantes kasunod ng nakakaalarmang insidente ng sunog na umaabot na umano sa 25 porsiyento sa loob lamang ng dalawang buwan ngayong taon (2024).

Ayon sa House Deputy Speaker, ang insidente ng sunog ang nananatiling pinaka-malaking problema sa Pilipinas. Kung saan, ang isa sa mabigat na suliraning kinakaharap ng mga bumbero o kagawad ng pamatay sunog ay ang masikip na eskinita, kalsada at matinding trapiko kapag sila ay rume-responde sa sunog.

Idinagdag pa ni Frasco na kabilang din sa mga kasalukuyang problem ana binabalikat ng mga bumbero ay ang mga luma nilang kagamitan at sasakyan. Kung kaya’t kadalasan ay atrasado na ang kanilang pagresponde sa sunog bunsod narin ng malalang traffic congestion sa Metro Manila.

Bunsod ng mga problemang ito, isinulong ni Frasco ang HR No. 1686 para hikayatin ang BFP at DILG na maisama sa kanilang budget para sa Fiscal Year 2025 o National Expenditure Program ang pagbili ng mga bagong firefighting helicopters bilang epektibong solusyon sa “aerial firefighting”.

Naniniwala si Frasco na sa pamamagitan ng makabago at modernong firefighting helicopters. Mas mabilis na matutugunan o mare-respondehan ng mga bumbero ang insidente ng sunog sa Metro Manila o saanman lugar sa Pilipinas partikular na sa mga masisikip na eskinita o kalsada.

Binigyang diin pa ni Frasco na panahon na para magkaroon ng upgrading sa mga equipment ng BFP na hindi na kailangan pa nilang umasa sa ibang sangay ng pamahalaan para sa pamatay sunog tulad ng Philippine Air Force (PAF) sa pamamagitan ng mga helicopters nito.

“In our Resolution. We stressed the importance of capacitating the BFP and to ensure its responsiveness by upgrading the level of its fire protection services through measures including acquisition of new and modern equipment and vehicles such as firefighting,” wika ni Frasco.