Hon. Valeriano

Valeriano ikinagalak ksiyon ng Kamara kaugnay sa “gentleman’s agreement”

Mar Rodriguez May 1, 2024
83 Views

MULING nagpahayag ng kagalakan si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano matapos kumpirmahin mismo ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na nakatakdang imbestigahan ng Kamara de Representantes ang kontrobersiyal na usapin ng “gentleman’s agreement”.

Sinabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na ang gagawing aksiyon ng Mababang Kapulungan batay sa ibinigay na kautusan ni Speaker Romualdez ay pagpapakita lamang na seryoso ang Kongreso na halukayin ang katotohanan kaugnay sa naganap na kasunduan.

Binigyang diin ni Valeriano na mahalaga ang mga detalyeng malalantad o mabubunyag sa imbestigasyon ng Kamara de Representantes sapagkat dito totoong malalaman ang nilalaman ng agreement sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Chinese government.

Ipinaliwanag ng kongresista na kaabang-abang ang ikakasang pagsisiyasat dahil napaka-crucial ng magiging paksa ng imbestigasyon sapagkat mayroon itong kinalaman sa national security at sobereniya ng Pilipinas kabilang na ang issue sa West Philippine Sea (WPS).

Sa talumpati ni Speaker Romualdez matapos ang pagbabalik-session ng Kongreso, sinabi nito na bilang pagtupad sa “oversight powers” ng Mababang Kapulungan, inaatasan niya ang kaukulang Komite para imbestigahan ang nasabing kasunduan o “gentleman’s agreement”.

Ayon sa House Speaker, layunin ng isasagawang imbestigasyon na matukoy ang epekto ng naganap na kasunduan sa pambansang interes partikular na sa usapin ng sobereniya at integridad ng Pilipinas.

Magugunitang ikinagalak ni Valeriano ang hakbang ng Kongreso makaraang aksiyunan nito ang kahilingan ng kapwa nila kongresista na masusing imbestigahan ang umano’y “gentleman’s agreement” sa pagitan nina dating Pangulong Duterte at Chinese government.