Administration coalition para sa 2025 midterm halalan may back-up ng Kamara

Mar Rodriguez May 2, 2024
97 Views

SUPORTADO ng mga kinatawan sa Kamara de Representantes ang pagnanais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na magkaroon ng isang koalisyon ang administrasyon para suportahan ang mga kandidatong tatakbo sa May 2025 mid-term elections.

“Bilang isang miyembro po ng Lakas, ako po siyempre masaya po ako na ‘yun po ang ninanais ng ating mahal na Pangulo, given na from the beginning during the campaign period his message was all about unity,” ani Deputy Majority Leader Faustino “Inno” Dy V (Isabela, 6th District), sa ginanap na pulong balitaan.

“And so, it is really just appropriate na under I guess sa coalition and alliances between the parties na we continue on that path of unity for the sake of progress, for the sake of development in our country. Kaya naman po kami, ako po, on my part being a member of Lakas, ako po ay masaya na ‘yun po ang kagustuhan ng ating mahal na Pangulo,” dagdag pa nito.

Nakakatiyak din si Dy na ang kagustuhan ng Pangulo ay siya ring hangarin ng iba pang miyembro ng partido ng Lakas.

Ang Lakas-CMD, ay pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang pinakamalaking partido sa Kamara.

Ikinagagalak din ni Assistant Majority Leader Mikaela Angela “Mika” Suansing (Nueva Ecija, 1st District) na isang miyembro ng Lakas ang naging pahayag ng Pangulo.

“Actually, po may parte lang doon sa speech ng ating Presidente na nag standout sa akin, ‘yung sa gawing dulo na sinabi niya na uhaw na rin ‘yung mga Pilipino sa pagkakaisa, sa tunay na pagkakaisa. And I’m very excited because I believe this administration and our dear President is that factor that can really unite the different parties,” sabi ni Suansing.

“And of course, our Speaker, Speaker Martin Romualdez who is also our leader in Lakas CMD, we’ll defer to his wisdom in terms of working through this potential alliance across the different parties. But Speaker Romualdez also done a very, very good job in uniting the different parties within Congress to work together towards passing the landmark legislation,” dagdag pa ni Suansing.

Inihalimbawa din ng lady solon ang matagumpay na paggabay ni Speaker Romualdez sa mga kinatawan ng kapulungan upang maaprubahan ang mga pangunahing panukala ng administrasyon, na nagawang pagsama-samahin ang iba’t ibang political party sa Kamara.

Nakikiisa rin ni Assistant Majority Leader Amparo Maria “Pammy” Zamora (Taguig City, 2nd District), ng Nacionalista Party (NP), sa naging pahayag ng Pangulo.

“We’re very very happy na gusto niya makipag-coalesce sa iba’t-ibang partido lalo dito sa House. Magandang balita ‘yan sa amin kasi ibig sabihin nun kaisa namin ang Presidente. Hindi lang siya nagsosolo sa kanyang partido pero kaisa kami. And it will always bring us forward, mas maganda po iyon na nagkakaisa po kaming lahat,” ayon kay Zamora.

Sa panig naman ni Deputy Majority Leader Jude Acide (Tingog Partylist), “Bilang bahagi ng isang koalisyon ng mga party-list na sumusuporta sa administrasyon, natutuwa tayo dito sa panawagan ng Presidente na magkaisa ang mga partido political sa pagsulong ng isang common agenda sa pangunguna po ng ating Pangulo.”

Ayon pa kay Acidre na ang nakamit na tagumpay ng Kamara sa pagpasa ng mga kinakailangang panukala ng administrasyon ng Pangulong Marcos ay isang katibayan na maraming naisasakatuparan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga partido sa pulitika.

“Kasi katulad nga po ng ipinapakita ng liderato ng ating Speaker ay mas maganda ang resulta kung tayo’y nagsasama-sama at nagtutulungan. Marahil itong panawagan ng ating Pangulo na magkaisa na ang mga partido political ay magiging magandang pangitain po para sa kinabukasan ng ating bansa, kung saan puwede na nating isangtabi ang politika at tayo ay mag-focus na sa trabaho sa pagpapaunlad ng ating bansa,” giit pa ni Acidre.