Cristy kinasuhan ng cyber libel ni Sharon at Kiko

Cristy kinasuhan ng cyber libel ni Sharon at Kiko

Eugene Asis May 11, 2024
70 Views

DUMULOG ngayong araw, May 10, ang mag-asawang Sharon Cuneta at Francis ‘Kiko’ Pangilinan sa Makati City Prosecutor’s Office upang magsampa ng kasong cyber libel sa showbiz columnist/host na si Cristy Fermin.

Ito ay kaugnay ng diumano’y mga ibinabalitang walang basehan at malisyosong pahayag tungkol sa kanilang personal na buhay kasama ang kanilang pamilya.

Sa kanyang radio program, sinabi ni Cristy na wala pa siyang masasabi dahil hindi pa niya hawak ang anumang papel tungkol dito na nanggaling sa kanyang abogado.

“Ang lahat ng ito ay kasama sa aming teritoryo,” ani Cristy. “Ang masama po kung nademanda ako dahil sa pagnanakaw o anumang ibang kaso. Pero ang lahat pong iito ay kasamang risk sa aming trabaho.”

Dahil dito ay nadagdagan ang mga kasong kakaharapin ng matapang na kolumnista. Nauna na rito, sinampahan din siya ng kasong cyber libel ng aktres na si Bea Alonzo, pati na ang isa pang showbiz columnist at vlogger na si Ogie Diaz.

Kabilang sa mga inireklamo ni Bea ang ulat na umano’y hindi siya nagbabayad ng buwis.

Bukod diyan, maraming naglabasan din na reports patungkol kina Bea at dating partner na si Dominic Roque matapos kumpirmahin ang kanilang paghihiwalay noong Pebrero.

Nasaktan din ang aktres sa diumano’y walang tigil na paninirang puri laban sa kanya.

Sinagot na ito ni Cristy at sinabi nitong na hindi pa rin niya natatanggap ang subpoena kaya wala pa siyang alam kung ano ang nilalaman nito. Kaya naman wala pa siyang masasabing malalim tungkol dito.