Visa

PBBM pinababantayan, pinahihigpitan pagbibigay ng visa sa mga dayuhan

Chona Yu May 17, 2024
99 Views

PINAHIHIGPITAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang enforcement o pagpapatupad sa pagbibigay ng visa sa mga dayuhang Chinese na pumapasok sa bansa.

Pero paglilinaw ni Pangulong Marcos, pantay itong ipatutupad sa lahat ng dayuhan.

Hindi kasi aniya maikakaila na naabuso na ito.

“Ang problema lang dahil maliwanag na maliwanag at lumalabas ang mga report na mayroon nag-aabuso nito. Kaya babantayan namin ito,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“So, what we will do is to more strictly enforce. Whereas dati hindi natin masyadong tinitingnan, nakita natin maraming nagiging problema dahil diyan nakakakuha sila ng mga peke na dokumento, kung ano-ano ginagawa, may mga illegal, mga scammer, mga may human trafficking. Maraming problemang dala,” dagdag ng Pangulo.

Ilang Chinese na ang pumapasok sa Pilipinas bilang tutista o estudyante subalit kalaunan ay nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

“Alam natin na hindi sila Pilipino. Unang-una, hindi marunong mag-Tagalog, hindi marunong mag-Bisaya, hindi marunong magsalita ng Filipino,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Bukod dito sinabi ni Pangulong Marcos na wala rin namang naipakikitang mga birth certificate ang mga ito at kung mayroon man ay peke

Paglilinaw pa ni Pangulong Marcos, walang special rules sa kahit na sinong dayuhan.

“Pantay-pantay lang lahat pero gagandahan namin ang enforcement doon sa examination doon sa mga nag-a-apply ng visa o doon sa mga nagko-convert doon sa tourist visa na student visa, at ‘yung mga bumibili ng lupa dahil [nagpapanggap] sila na Filipino sila,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“‘Yung mga ganong klaseng — ito ‘yung mga nakikita nating scammer, mga human trafficking, ‘yun ang binabantayan namin,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Pagtitiyak ni Pangulong Marcos, huhulihin ang sino mang gumagawa ng labag sa batas.