Calendar
Deklarasyon ni Roque di kinilala, pinagtawanan ni De Lima
MARIING tinututulan ng Partido Liberal ang naging deklarasyon ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque matapos magbitiw ni Vice President Sara Duterte sa kanyang posisyon sa Gabinete. Aniya, sa pagkalusaw ng Uniteam, si VP Sara na raw ang leader ng oposisyon.
Ayon kay dating Senadora Leila de Lima, hindi katanggap tangap ang titulong bagong lider ng oposisyon si VP Sara sapagkat aniya ay may hinihinging responsibilidad, kredibilidad, prinsipyo at paninindigan ang malalim ng kahulugan ng pagiging lider ng isang oposisyon.
“Ang tunay na oposisyon, may pundasyon ng accountability, transparency, at pagmamalasakit sa mamamayan–mga bagay na hindi makikita sa track record ni VP Sara. Sa kanyang pagbibitiw, wala namang naganap na pag-ako sa responsibilidad, o pagbabago ng mga prinsipyo at paninindigan. Paano naging oposisyon ang may pananagutang hanggang ngayon, sinisingil pa ng taumbayan?,” ani de Lima.
Ipinaliwanag din ng dating senadora na mas mataas ang paghamon ng isang tunay na lider ng oposisyon dahil hinihingi ng posisyon na ito ang maraming hamon ng pakikibaka sa kapakanan ng bayan laban sa mga manlulupig lalot sa isyu ngayon ng West Philippine Sea na sinasabing inaagaw sa mga Pilipino ng bansang Tsina, gayundin sa pagtayo sa tama at mga inaapi.
“Higit sa lahat: Taumbayan ang inuuna ng oposisyon. Hindi ang pagpapalawak at pagpapanatili sa kapangyarihan. Hindi ang pagtatanggol sa wanted na religious leader o pagpatay sa libu-libong Pilipino. Lalo namang hindi ang pagbubulag-bulagan sa pang-aapi sa ating mga mangingisda at pang-aagaw sa ating teritoryo ng mga dayuhan,” giit ni de Lima.
Para kay de Lima, hindi na kagimbal-gimbal sa mga Pilipino ang kanyang pagbibitiw bilang Kalihim ng Departamento ng Edukasyon at ito ay matagal na aniya inaasahan ng marami.
“Sa panahon ng nagtataasang mga presyo, krisis sa edukasyon, at banta sa ating seguridad, tunay na paglilingkod at pangangalaga mula sa mga namumuno ang kailangan ng sambayanan. Nananawagan kami sa mga kinauukulan: unahin ang mga Pilipino,” pagpupunto ni de Lima.