ASF Source: DA file photo

Lapid pinaiimbestigahan pagkasira ng mga bakuna vs ASF

64 Views

IPINASISILIP ni Senador Lito Lapid sa Senate Committee on Agriculture and Food ang napaulat na pagkasira ng biniling mga bakuna para makontrol ang African Swine Fever(ASF) sa bansa.

Sinabi ni Lapid na dapat malaman mula sa Department of Agriculture (DA) kung bakit napabayaan lang na mag-expire ang ASF vaccines na dapat sana ay naipamahagi na at nakapigil sa pagkalat pa ng virus sa mga alagang baboy sa iba’t-ibang probinsya.

Isinulong ni Lapid ang imbestigasyon matapos magkaroon ng epidemya ng ASF sa Batangas at Occidental Mindoro na kung saan apektado ang hog raisers industry, suplay ng baboy at ang pagtaas ng presyo nito sa merkado.

Giit ni Lapid na dapat matukoy kung sino ang mga opisyal ng DA na dapat mapanagot sa nasabing pagkasira ng mga bakuna na binili sa ibang bansa.

Bagama’t sinabi ni Agriculture Secretary Fracisco Tiu Laurel na walang pangangailangan na magdeklara ng state of national calamity dulot ng epidemya, iginiit naman ni Lapid na dapat matiyak pa rin ang suplay ng mga baboy sa merkado dahil sa papalapit na ang kapaskuhan kung saan mataas ang demand nito.

Hinimok ni Lapid si Pang. Bongbong Marcos Jr. na mapaglaanan ng dagdag na pondo ang pambili ng ASF vaccines at agad itong maipamahagi sa mga lugar na kailangan ng kagyat na tulong para mapuksa ang epidemya sa bansa.

“Nangangamba po tayo na kung hindi agad maagapan ang ASF epidemic ay tiyak na kakalat pa ito sa ibang lugar at inaasahan na magkakaroon ng krisis sa suplay ng baboy sa bansa,” dagdag ni Lapid, miyembro ng Senate Committee on Agriculture and Food.