BBM

LGUs bida sa UniTeam

322 Views

SINISIGURO ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na may malaking papel na gagampanan at mapapakinggan ang boses ng mga lokal na pamahalaan matapos silang manalo sa darating na halalan ngayong Mayo 9.

Ito ang sinabi ni Marcos sa harap ng mga local officials ng Zambales sa kanyang pagbisita sa lalawigan.

Ayon sa standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP), sila ng kanyang running-mate na si Inday Sara ang magsusulong at magtatanggol sa interes ng mga LGUs dahil sila ay naniniwala at nagtitiwala sa mga lokal na lider.

“Aasahan ninyo na meron kayong boses sa administrasyon ng UniTeam, magkakaroon ng malakas na boses ang ating local government. Ang UniTeam ang pinaka-magiging champion ng local government kung sakali man at tayo ay maging mapalad (sa darating na halalan),” sabi ni Marcos.

Dagdag pa niya, sila ni Inday Sara ay naniniwala na ang lokal na pamahalaan ang higit na nakakaalam ng mga tunay na nangyayari sa kanilang mga nasasakupan at ang makakapagbigay ng tamang solusyon dahil na rin sa kanilang mga sariling karanasan bilang mga local executive.

“Magkakaroon po kayo ng malakas na boses. Dahil kayong mga local chief executives ang nakaka-alam sa tunay na sitwasyon doon sa lugar ninyo,” sabi ni Marcos.

“Kaya gaya ng sinasabi ko, dapat ipagpantay natin ang relasyon ng local government at national government. Lagi kong sinasabi sa mga congressman, sa mga senador, makinig kayo sa mga local government officials dahil kadalasan sila rin ang nakakaalam ng tamang solusyon sa mga suliranin sa kanilang nasasakupang mga lugar,” wika pa nito.

Sinisiguro din ni Marcos na magkakaroon ng balanseng ugnayan sa pagitan ng national government at local government.

“’Pag nagkataon, sa susunod na pamahalaan, sa susunod na administrasyon at tayo po ay maging mapalad ay ‘yun ang aming balak, na masasabi naming pinagpantay namin ang relationship between the national government and the local government dahil malaking-malaki ang tiwala ng grupong UniTeam sa local leaders,” paliwanag niya.

“Hindi manggagaling sa taas ang utos ng hindi namin nalalaman kung ano ang tunay na sitwasyon. Kailangang magtanong sa local government dahil kayo ang nakakaalam sa sitwasyon sa lugar niyo,” dagdag pa nito.

Binigyang-diin din ni Marcos ang mga nagawa ng lokal na pamahalaan lalo na ng nagsimula ang pandemiya sa bansa. Aniya, hindi maisasakatuparan ang mga plano at programa ng national government kung hindi dahil sa lokal na pamahalaan.

Tinitiyak niyang ma-iimplementa ng tama ang Mandanas Ruling kung saan magkakaroon sila ng karagdagang pondo at masisigurong sila ang makikinabang dito.

“At ang hinaing at pangamba ng iba na dahil sa marami masyadong ide-devolve na function e lugi pa, kahit na madagdagan ang pondo e baka malugi pa ‘yung local government. Hindi natin pababayaang mangyari ‘yun,” sabi ni Marcos.

“Kaya’t tinitingnan nating mabuti ang magiging implementasyon nitong Mandanas Ruling para ito ay magbibigay ng pagkakataon sa inyong lahat na ‘yung inyong mga iniisip na nais gawin para sa inyong mga community, sa inyong mga distrito, sa inyong mga bayan ay maaari na ninyong gawin dahil magkakaroon ng pondo,” dagdag pa niya.