Sara

VP Sara hinamon: Nag-Marites ng kanyang ‘impeachment’ pangalanan

68 Views

HINAMON ng mga kongresista si Vice President Sara Duterte na tukuyin kung sino ang nagsabi sa kanya ng chismis na mayroong nilulutong impeachment complaint sa Kamara de Representantes laban sa kanya.

Sa isang press conference nitong Miyerkoles, iginiit ng apat na kongresista na hindi totoo at walang basehan ang umabot na kuwento sa Ikalawang Pangulo.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V nauna ng tinugunan ng Kamara ang isyu at kinumpirma na walang basehan ang chismis na ito.

“Pero siguro, i-identify nalang niya ‘yung mga friends niya na nagsabi para ‘yung mga friends niya ang magsabi kung tama po ‘yung mga nakukuha nilang impormasyon mula sa grapevine. Dito po sa House of Representatives, wala namang napag-uusapan,” sabi ni Ortega.

Ayon kay VP Duterte mayroon itong mga kaibigan sa Kamara na nagsabi na pinag-uusapan ang pag-impeach sa kanya.

Sinabi naman ni Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na bagamat mahabang oras ang ginugugol nito sa Kamara ay wala itong narinig na usapan kaugnay ng impeachment.

“Napakasayang nung oras na napupunta sa usaping wala namang kwenta at wala naman talagang nangyayari. Ang daming trabaho dito sa Kongreso, at lahat busy sa pag-scrutinize at pagpapasa ng budget,” sabi ni Garin.

“Kung sino man ‘yung nag-iintriga, eh sana sabihin kung sino sila para malaman natin kung ito ba ay may vested interest, o tila nililinlang ang bise presidente, o ito ba ay gusto lang ng fireworks dahil walang magawa sa buhay,” dagdag pa ng lady solon.

Sinabi ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na wala rin itong narinig na usapan sa Kamara kaugnay ng impeachment.

Ipinunto ni Gutierrez na abala ang Kamara sa budget deliberations, mga pagdinig ng iba’t ibang komite, at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya para sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF).

“Napaka-busy po ng mga congressman natin dito. So, I’m not sure po kung saan nanggagaling ‘yung allegation of impeachment,” sabi ni Gutierrez.

“If they could perhaps, katulad ni Cong. Ortega, if they could substantiate the claims and say, sino bang nagsasabi nito and point at certain persons, then perhaps that would be more helpful for us to really thresh out. But as far as we’re concerned, parang wala naman po,” dagdag pa nito.

Nanawagan naman si Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na tigilan na ang impeachment chismis.

Sinabi ni Adiong na ang Kamara, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ay nakatuon sa pagsusulong ng interest at pagkakaisa para sa bansa.

“Kami po dito sa House of Representatives…every day po, every session week, every committee hearings, public hearings, nandirito po kami. And I personally can categorically say na wala pong usapin ‘non,” sabi ni Adiong.

Ayon kay Adiong ang pagpapakalat ng walang basehang espekulasyon ay lumilikha lamang ng pagkakawatak-watak na counterproductive sa positibong ginagawa ng Kongreso.